SA ika-siyam na sunod na pagkakataon, nagkampeon ang Adamson University sa softball matapos gapiin muli ang University of Santo Tomas , 11-1 sa isang abbreviated match kahapon ng umaga sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Ngunit taliwas sa naunang walo nilang kampeonato, naging mahirap ang laban ng Lady Falcons.

Bagamat isang beses lamang natalo sa kanilang 13 laro, kinailangan nilang magtrabaho ng husto upang makanit ang mga nasabing panalo.

“Stressful! This year, grabe yung sleepless nights ko,” pag-amin ni coach Ana Santiago. “Nag-struggle kami nung second round. Tama lang na hindi kami lagi nakaka-regulation dahil natututo kami dun. Ngayon, makakatulog na ako.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagbigay lamang ang graduating pitcher ng Adamson na si Lyca Basa ng tatlong hits sa kabuuan ng laro.

“She’s one of the best pitchers na nagkaroon ako. With her heart, her passion, alam mo yun? Sinabi niya sa akin, tatapusin ko ito,” ani Santiago patungkol sa kanilang 2-time Pitcher of the Year at Finals Most Valuable Player.

Muli namang pinangungahan ang opensa ng Adamson ng kanilang lead-off batter at Season MVP na si Arianne Vallestero.Nagtala ang third baseman, ng 2-of-4 at-bat at 3 runs.

Bukod sa Season MVP, ang iba pang nakuhang award ni Vallestero ay Best Hitter (.556 avg), Best Slugger (.972), Most RBIs (16), Most Homeruns (3 – kapantay ni Rookie of the Year Charlotte Sales ng UST, Most Stolen Bases (6 – katabla ng kakamping si Angelu Gabriel).

Ang kampeonato ang ika-18 pangkalahatang titulo sa softball ng Adamson.

-Marivic Awitan