Tiniyak ng Department of Tourism (DoT) na ang bilang ng mga turistang inaasahang bibisita sa Boracay para sa Holy Week ay pasok sa carrying capacity ng isla.
Tinatayang 58,000 turista ang inaasahang dadagsa sa sikat na isla sa darating na Holy Week, ayon sa DoT.
“’Yung number of tourists na dumadating it's almost the same na lumalabas... So pag may pumasok, may lalabas din somewhere,” ani Tourism Undersecretary Arturo Boncato Jr.
Ang carrying capacity ng isla ay 19,215 bawat araw kabilang na ang 6,405 tourist arrivals bawat araw.
Upang matiyak na nasusunod ang carrying capacity, sinabi ni Boncato na binawasan ng kanilang airline company partners ang bilang ng "air seats" patungo sa Boracay.
"Early on, our Secretary Puyat sat down with the Civil Aeronautics Board and our airline partners -- it's not for a directive...but for a request to understand the situation of the rehabilitation. So, kusa po ‘yung mga airlines, binawasan po nila ‘yung number of air seats," aniya.
Tiniyak din ng tourism official na imo-monitor nila ang hotel reservations sa isla.
Sa tala nitong Marso 20, kabuuang 326 accommodation establishments na katumbas ng 11,943 rooms ang ngayon ay accredited nang mag-operate sa Boracay.
-Analou De Vera