PANAHON na naman upang pumili ang mga Pilipino ng susunod nilang lider. Sa Pilipinas, idinaraos ang eleksiyon kada tatlong taon, na tinatampukan ng makulay at mala-piyestang mga aktibidad habang iba’t ibang gimik ang ginagawa ng mga kandidato upang makakuha ng boto. Gayunman, mapanganib na panahon din ito mula sa mga karahasan at kawalan ng kapanatagan.
Nagtutulungan ang Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang iba pang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang ligtas at mapayapang halalan.
Kabilang sa mga paghahanda para sa mga halalan ang pagtukoy ng Comelec sa tindi ng mga karahasan may kaugnayan sa halalan.
Para sa halalan ng 2019, gumamit ang Comelec ng color coding upang tukuyin ang mga election hotspots. Tinukoy ang mga ito sa Category Green, Category Yellow, Category Orange, at Category Red.
Tumutukoy ang Category Green sa mga lugar na walang pangamba ng seguridad at maaaring masabing payapa at maayos, habang ang Category Yellow ay mga lugar na kailangang bantayan, dahil sa nakapagtala na ng mga insidente na may kinalaman sa halalan sa nakalipas na dalawang halalan, at may matinding away sa pulitika, at dati nang sumailalim sa kontrol ng Comelec.
Samantala, ang Category Orange, ay tumutukoy sa na mga lugar na may seryosong banta mula sa New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG), at iba pang grupo; habang ang Category Red ay kinakailangang tutukan dahil sa pinagsamang salik na nasa ilalim ng Yellow at Orange categories at maaaring magpatupad ng motu propio o sariling pagdedeklara na mapasailalim sa kontrol ng Comelec.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 941 ang election hotspots sa bansa, mas mataas sa 701 na naitala noong Pebrero.
Ito ay matapos na ideklara ng Comelec ang buong kapuluan ng Mindanao, buong Abra, at ang mga bayan ng Jones sa Isabela at Lope de Vega sa Northern Samar bilang Category Red.
“So we’ve seen an increase in the number of election hotspots. It is tracked from the declaration of martial law in Mindanao because of the unrest. Unrest is one of the factors in declaring an area as a hot spot,” pahayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez.
Ang desisyon na ideklara ang apat na lugar bilang election hotspots ay base sa hinihinalang mga naganap na karahasan na konektado sa dalawang nakalipas na halalan, gayundin ang mga banta mula sa iba’t ibang grupo.
Ang buong isla ng Mindanao ay nasa ilalim ng Martial Law hanggang Disyembre 31, 2019, dalawang taon makalipas ang digmaan sa Marawi.
Ayon sa datos ng PNP, nasa kabuuang 223 lugar ang tinukoy na bahagi ng yellow category, 382 ang nasa orange category, at 94 ang nasa ilalim ng red category.
Sa 94 sa red category, 27 ang nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), 19 sa Bicol region, pito sa Calabarzon at Western Mindanao, anim sa Mimaropa at Western Visayas, lima sa Northern Mindanao, apat sa Soccsksargen at Cordillera region, tatlo sa Eastern Visayas, dalawa sa Central Luzon at Davao region, at tig-isa Caraga at Cagayan Valley.
Sa ilalim ng batas, may karapatan ang Comelec na isailalim sa kontrol nito ang anumang lugar o dibisyon, kung may dati na itong insidente o kasalukuyang nasa ilalim ng matinding pulitikal na labanan ng magkalabang partido, na maaaring humantong sa matinding karahasan.
“It’s actually possible that if you are under Category Red, you can declare Comelec control without undergoing a tedious process like getting feedback from the locals or from the AFP or PNP. The declaration of Category Red itself means it can possibly be under Comelec control,” ani Jimenez.
Kapag napasailalim ang lugar sa kontrol ng Comelec, ang komisyon ang mangangasiwa sa pambansa at lokal na opisina ng lugar, ng mga ahensiya, gayundin sa militar, sa mga apektadong lugar.
Sa ngayon, nasa ilalim ng kontrol ng Comelec ang Daraga sa Albay at Cotabato City simula pa noong Enero 15.
PNA