NAPAULAT nitong Huwebes na si Isko Moreno, kandidato sa pagkaalkalde ng Maynila, ang nakauungos sa dalawa niyang katunggali sa puwesto—sina Mayor Joseph Estrada at dating Mayor Alfredo Lim—sa nakuhang 45.28 porsiyento.
Nang sumunod na araw, Biyernes, inihayag ni Mayor Estrada ang resulta ng panibagong survey, kung saan siya ang nangunguna sa kampanya sa 45.9%, na sinusundan nina Moreno at Lim.
Nitong Sabado, sinabi naman ni dating Mayor Lim na umaasa siya sa isang patas na halalan at maibabalik sa kanya ang dati niyang puwesto sa Manila City Hall. Aniya, hindi papayagan ni Pangulong Duterte ang anumang uri ng pandaraya.
Ang magkakataliwas na ulat tungkol sa survey ang muling bumuhay sa naging hakbangin noong 2001 nang ipagbawal ang paglalabas ng mga ganitong uri ng balita. Ipinasa ng Kongreso noong Pebrero ng taong iyon ang Fair Election Act, na nagbabawal sa paglalabas ng mga resulta ng survey 15 araw bago ang pambansang halalan at pitong araw para sa lokal.
Sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng nasabing panukala na hindi nakatutulong ang mga pre-election survey para sa ilang kandidato. Ngunit pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang Section 5.4 ng batas bilang unconstitutional dahil sa paglabag sa karapatan sa pagpapahayag, na itinatakda ng Konstitusyon.
Ayon sa Social Weather Stations, ang tunay na impluwensiya ng mga pre-election survey ay hindi sa desisyon ng mga botante, ngunit para sa mobilisasyon ng pondo, lakas-paggawa, at iba pang salik na makatutulong para sa kampanya ng isang kandidato.
Nasa gitna na tayo ngayon ng panahon ng kampanya para sa midterm elections sa Mayo 13. Sa pambansang halalan para sa mga senador, ilang kandidato ang nananatiling nangunguna sa listahan, habang may ilan din na umaangat mula sa mababang ranggo. Sa lokal na halalan para sa gobernador, mayor, at iba pang lokal na opisyal ng pamahalaan, maaasahan natin ang kani-kaniyang survey ng mga kandidato, na lahat ay nagsasabi na sila ang nangunguna sa kampanya.
Ang survey ay isang siyentipikong proseso kung saan tanging mga kuwalipikadong grupo lang ang maaaring magsagawa. Bahagi nito ang tamang pangangalap ng mga sample na tunay na kumakatawan sa kabuuang bilang ng populasyon ng mga botante. Ang gamit ng salita ay nakaaapekto rin sa kanilang sagot. Ang paraan ng pagtatanong ay posible ring makaapekto sa sagot ng tinanong, na may kinalaman sa kagustuhan ng mga Pilipino kung nais nilang suportahan o maiwasan na magkaroon ng sama ng loob ang ilang makakapangyarihang opisyal.
Ngunit tulad ng naging desisyon ng Korte Suprema noong 2001, walang dahilan upang ihinto ang pagsasapubliko ng resulta ng mga survey. Ang lahat ng pahayag at iginigiit ng mga kandidato ay sakop ng probisyon ng kalayaan sa pagpapahayag.
Naniniwala tayo sa kakayahan ng mga Pilipinong botante na matukoy ang tunay at peke, tulad sa mga resulta ng survey. Kaya naman, sa nagkakaiba-ibang resulta ng survey na iginigiit ng dalawang magkatunggaling kandidato sa pagkaalkalde ng Maynila, ang mamamayan ang magdedesisyon kung alin ang paniniwalaan. Malamang, papanig ang mga ito sa kanilang paboritong kandidato, manalo man o matalo, sa survey man ito o hindi.