Pinayuhan ng Philippine National Police ang publiko na maging responsableng social media user at tigilan na ang pagse-share at pagpapakalat ng malalaswang videos.
Ito ang apela ngayong Martes ni Col. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, makaraang mag-viral nitong Lunes ang pribadong video ng singer na si Jim Paredes.
“Kapag may mga ganitong mga pribado na issues, kung maaari lang po ay huwag na natin itong gamitin at ipakalat bilang mga responsableng netizens na gumagamit ng social media,” pakiusap ni Banac.
Kaugnay nito, sinabi ni Banac na handa ang PNP na tulungan si Paredes sakaling magpasaklolo ito sa pulisya upang matukoy kung sino ang nag-upload ng nasabing maselang video ng 67-anyos na dating miyembro ng Apo Hiking Society.
Inamin na ni Paredes sa kanyang blog na siya nga ang nasa video na pinagpipiyestahan ngayon sa social media, pero iginiit na iyon ay pribado at “not meant for public consumption”.
“The video was real. It was private, and not meant for public consumption. I do not know how it became public,” saad sa blog ni Paredes.
“I can only surmise that in this ugly season of toxic politics, muckrakers determined to neutralize my influence by violating my privacy and digging up dirt on me are at work,” dagdag niya.
-Martin A. Sadongdong