SA panahon ng Lenten Season o Kuwaresma, maraming tradisyong Pilipino na kaugnay ng paggunita sa huling 40 araw ng public ministry o pangangaral ni Kristo ang ginugunita at binibigyang-buhay at pagpapahalaga.
Mababanggit ang Via Crusis o Way of the Cross sa loob ng mga simbahan sa iba’t ibang parokya at chapel sa mga barangay at kung minsan ay sa mga lansangan. Mababanggit din ang mga Pabasa at Pagbasa ng Pasyon.
Ang Pabasa ay karaniwang nagsisimula ng Biyernes Dolores o bago ipagdiwang ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas na simula ng paggunita ng Holy Week o Semana Santa. At palibhasa’y nakaugat na sa ating kultura, ang pagpapahalaga ay nagiging tampok na tradisyon at kaugalian na binibigyang-buhay. Dinarayo at nagiging tourist destination sa panahon ng Kuwaresma.
Sa Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas at bayang sinilangan ng dalawang National Artist o Pambansang Alagad ng Sining na sina Carlos Botong Francisco at Maesstro Lucio D. San Pedro, isa sa mga tradisyon na binibigyan ng pagpapahalaga ay ang Semana Santa Exhibit o ang pagtatanghal ng mga imahen ng iba’t ibang santo at santa, gayundin ang mga imahen ni Kristo, mga tagpo sa Kanya noong nangangaral hanggang sa Siya’y dakpin at ipako sa krus, at Muling Pagkabuhay.
Ang Semana Santa Exhibit ay makikita sa unang palapag ng Formation Center ng Saint Clement parish at sa kanang bahagi ng simbahan ng Angono. Sinimulan at binuksan ang exhibit nitong unang araw ng Abril 2019. Matatapos ang Semana Santa Exhibit sa gabi ng Abril 5, 2019.
Tampok sa bawat gabi ang Rosario Cantada o ang paawit na pagdarasal ng Rosaryo na binubuo ng mga kabataang babae at lalaki at ng ilang miyembro ng Angono National Symphonic band na sumasaliw sa pag-awit ng Rosaryo. Ang Rosario Cantada ay dinadaluhan ng mga may-ari, mga kamag-anak at mga apo ng mga may-ari ng mga imahen na nasa exhibit. Matapos ang Rosario Cantada, may nagbibigay ng libreng pagkain sa lahat ng dumalo.
Ang mga imahen na kasama sa Semana Santa exhibit ay mga century old na, at mahigit pa na iniingatan at inaalagaan ng mga naging tagapagmanang mga anak at apo sa mga magulang st ninuno nila na nagpagawa, nag-ingat at nag-alaga ng nasabing mga imahen. Mababanggit na mga halimbawa ang imahen ng Tatlong Maria na sina Sta. Maria Jacobe (Mary of Cleophas) Sta. Maria Magdalena, Sta. Maria Salome, Sta. Veronica, Sta. Marta at Sta. Juana.
Nasa exhibit din ang Mahal na Birhen ng Pagbati at Salubong, ang mga imahen ng mga apostol ni Kristo, ang Huling Hapuanan, La Pieta, ang Pananalangin ni Kristo sa Halamanan ng Getsamani, ang Paghampas kay Kristo na nakagapos sa haliging bato, Pagpapako sa Krus, Pagtatanggal sa Krus, ang imahen ng Resurrection o Muling Pagkabuhay.
Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Dolorosa o ng Birhen ng Inang Awa ay kasama dati sa Semana Santa Exhibit. Ngunit nang mawala o manakaw ang gintong singsing nito ay nagpasiya ang pamilya at may-ari ng imahen na hindi na ito isama.
Ang mga imahen na nasa ay ang isinasama sa prusisyon kung Miyerkules Santo, Biyernes Santo at sa prusisyon ng “Salubong” kung Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay.
Tradisyon din at panata ng mga may-ari ng imahen na magpa-Rosario Cantada at Pabasa sa kanilang mga bahay. Nagsisimula ito ng Linggo ng Palaspas , Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo. May libreng pagkaing inihahanda ang mga may-ari ng imahen para sa mga dumadalo sa Pabasa at Rosario Cantada. Ang libreng pagpakain ay bahagi na ng panata ng mga may-ari ng imahen. Tradisyong namana sa kanilang mga magulang na ipinagpapatuloy nila sa panahon ng Semana Santa.
May iba-iba paniniwala tungkol sa pag-aalaga ng mga imahen. May nagsasabing tagapag-ugnay nila ito sa pagtawag sa Poong Maykapal. Nakatatanggap din sila ng biyaya at pagpapala. Nalalayo sa mga panganib at disgrasaya. Hindi nagkakaroon ng malulubhang karamdaman at higit sa lahat, ang inaalagaan nilang mga imahen ay nagsisilbing buklod ng magandang pagsasama ng kanilang mga pamilya.
Ang Semana Santa Exhibit sa Angono ay inihuhudyat ng pagbabasbas o bendisyon sa mga imahen na nasa exhibit ni Rev. Father Gerry Ibarola, parish priest ng Parokaya ni San Clemente sa Angono, Rizal. Susundan naman ito ng Rosario Cantada sa bawat gabi. At sa huling gabi, matapos ang Rosario Cantada ay kasunod na ang Pabasa o Pagbasa ng Pasyon. Gagawin rin sa huling gabi ng exhibit ang “Pabasang Bayan” na kalahok ang mga senior citizen at mga kabataang babae at lalake na mahusay sa pagbasa ng Pasyon.
Ang panahon ng Kuwaresma (Kurisma tawag ng ilan matatanda sa Angono), ay isang magandang pagkakataon ng pagbabalik-loob, pangingilin, pagtulong sa kapwa at pagkakawanggawa. Kasabay nito ang pagpapahalaga sa mga tradisyon at kaugalian na nakaugat na sa kultura nating mga Pilipino na hindi nalilimutan.
-Clemen Bautista