DAHIL parang lumalala pa ang problema ng illegal drugs sa Pilipinas, hiniling ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino sa mga TV network na magsagawa ng mandatory drug test sa mga artista at talents nito kasunod ng mga report na may 31 celebrities ang nasa narco-list. Kalimitan daw sa mga aktor, aktres, at talent ay gumagamit ng ecstasy na pampagana.

Mismong si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay ibig maniwalang lumalala pa ang salot ng illegal drugs sa bansa kasunod ng pagkakadiskubre at pagkakasamsam ng PDEA at PNP sa bultu-bultong shabu na pinadaraan sa Bureau of Customs (BoC), airport at mga pantalan. Nakatutuklas din sila sa mga high-end condominiums at gusali ng malalaking drug laboratories.

Kamakailan, isinapubliko nina PRRD at DILG Sec. Eduardo Año ang pangalan ng mga kandidatong nasa narco-list. Nasa listahan ang mga mayor, kongresista, bokal, vice mayor at iba pa. Ayon kay Aquino, madaragdagan pa ang narco-list ng mga pulitiko na sangkot sa droga.

Nais lang malaman at tanungin ng taumbayan kung bakit parang atubili ang PDEA, PNP at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na isiwalat kung sinu-sino ang mga artista na gumagamit o nagbebenta ng droga. Katwiran ni Aquino, bina-validate pa nila ang mga impormasyon laban sa umano’y mga artistang sangkot sapagkat ayaw nilang magkamali.

Naniniwala ang PDEA chief na marami pang artista o celebrities ang dawit sa illegal drugs kapag naipon at napagsama-sama ang mga impormasyon at ebidensiya na nasa PDEA, PNP at iba pang mga ahensiya ng batas na lumalaban sa illegal drugs.

Isiniwalat ni Aquino na paborito ng showbiz personalities ang shabu, pero may gumagamit din ng ecstasy, marijuana, at cocaine. Mapanganib ang ecstasy sapagkat may mga insidente na namatay ang tumira nito.

oOo

Samantala, bultu-bultong cocaine naman ang nakikitang lumulutang sa karagatan at ang marijuana ay itinatanim naman ng mga tao sa halip na palay at mais.

Bagamat may ilang military officer ang pinabulaanan na ang mga ulat na hina-harass o ginigipit ng Chinese Coast Guards ang mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough o Panatag Shoal sa West Philippine Sea, ibinunyag ng isang senior US Admiral na si Adm. Philip Davidson, puno ng US Indo-Pacific Command, ang umano’y panggigipit ng mga Tsino sa mangingisdang Pinoy.

Ipinahayag ni Davidson sa pagdinig ng US House Armed Services Committee noong Miyerkules, na regular na hina-harass at tinatakot ng Chinese Coast Guard vessels na nasa ilalim ng Central Military Commission, ang mga mangingisda na naghahanap-buhay sa Panatag Shoal.

Nagdududa ang mga Pilipino kung talaga ngang kaibigan natin ang China dahil kung sila’y tunay na kaibigan, hahayaaan nilang mangisda ang mga Pinoy sa Panatag Shoal na tradisyunal na lugar na pinangingisdaan nila para kumita at maibigay sa pamilya.

Ulitin natin, hindi tayo nakikipaggiyera sa China, wala tayong laban, subalit ipaalam natin sa kanila na hindi tama ang kanilang ginagawa at nang malaman din ng buong mundo ang gawain ng dambuhalang China sa South China Sea-West Philippine Sea.

-Bert de Guzman