“HINDI dapat balewalain ng mga awtoridad ang nakakabagabag na alegasyon ng tinanggal na Police Senior Supt. Eduardo Acierto na nagsabing isinangkot siya sa pagpupuslit sa bansa ng shabu na nagkakahalaga ng 11 bilyong piso pagkatapos niyang ipagbigay-alam sa Malacañang na ang dalawang Chinese national na laging nakikitang kasama ng Pangulo ay nasa ilegal na drug trade,” wika ni Sen. Ping Lacson nitong Martes.
Ang dalawa ay sina Allan Lim at Michael Yang, dating economic consultant ng Pangulo. Ayon kay Lacson, nakipagkita si Acierto sa kanya sa kanyang opisina at binigyan siya ng kopya ng confidential report hinggil sa negosyo sa droga ng dalawa. Naisumite na, aniya, ni Acierto ang confidential report sa Malacañang bago siya masangkot sa smuggling ng isang toneladang shabu na itinago sa warehouse sa Cavite.
“Dapat ay ipursige ang imbestigasyon dahil ang isa sa mga sangkot ay may napakataaas na tungkulin sa gobyerno,” sabi pa ni Lacson.
Ang problema, bago pa man hiniling ni Lacson ang imbestigasyon ay pinawalang-sala na si Yang ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo noong Lunes. Nitong Martes ay sinabi niya na papatayin ng Pangulo si Yang kapag nalaman niya na ito ay sangkot sa drug trafficking. “Hindi ninyo alam ang taong ito (Duterte). Papatayin siya kapag siya ay sangkot sa ilegal na droga,” wika ni Panelo.
Hindi mangyayari ito. Kasi, Martes pa lang ng gabi, sa kanyang talumpati sa Koronadal, Cotabato, ipinagtanggol na ng Pangulo si Yang. Mula noong 1999, aniya, nagnenegosyo na si Yang sa Davao City. Siya ay laging kasama ng premier ng China.
Binuweltahan din ng Pangulo si Arcieto. “Huwag ninyong paniwalaan si Acierto. Gusto kong tanungin ang militar at pulis, bakit itong son of a bitch ay buhay pa. Tinanggal ito sa serbisyo dahil ang nakuha niyang AK-47 rifles ay nakita kalaunan sa kamay ng New People’s Army. Alam kong kinidnap niya ang mga Intsik at ang Koreano na pinatay sa Camp Crame,” sabi ni Pangulong Duterte. Ang tinutukoy niya ay ang South Korean businessman na si Jee Ick-Joo na pinatay sa PNP headquarters sa Camp Crame noong October 2016.
Tama si Lacson. Hindi dapat ipagkibit-balikat lamang ang bintang ni Acierto. Sa panayam sa kanya ng mga piling mamamahayag, sinabi ni Acierto na sina Yang at Lim, na dati nang kinasuhan sa pagpapatakbo ng laboratoryo ng shabu sa Cavite ang nasa likod ng paggawa ng mga ilegal na droga sa mga siyudad ng Davao at Cagayan de Oro.
Kaya bukod sa minsan ay nasa sentro ng kapangyarihan si Yang, napakabigat pa ng paratang laban dito.
“Dapat tingnan ito ng mga awtoridad, local at international. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang problemang ito sa pamamagitan lamang ng paninira sa kredibilidad ng nagpaparatang,” wika ni senatorial candidate Magdalo Rep. Gary Alejano.
Lumala na nang lubusan ang problema sa droga. Ayon kay Pangulong Duterte, kung dati ay libu-libong halaga ng ilegal na droga ang kumakalat sa bansa, ngayon ay bilyun-bilyon na. Ang 11 bilyong pisong halaga ng shabu ay nagdaan pa sa pantalan.
Mali ang pagpapairal ng war on drugs. Ang hinahanap at hinahabol at napapatay ay ang mga maralitang gumagamit at nagbebenta ng droga para sa kanilang ikabubuhay. Sa ilalim ng kampanyang ito, malayang nakapagnenegosyo ang ilang nasa kapangyarihan. Makapangyarihan din ang kanilang tagapagtanggol. Ang mga ito ang nagkakalat ng mga droga sa bansa.
-Ric Valmonte