Tinatayang aabot sa 11,000 pulis ang ipakakalat sa Metro Manila upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng publiko ngayong Mahal na Araw.

Ito ang inihayag kahapon ni NCRPO Regional Director, Police Major General Guillermo Eleazar.
Kabilang aniya sa babantayan ng mga pulis ang vital installations, bus at jeepney terminals, Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) stations, shopping malls, parke at mga simbahan na inaasahang dadagsain ng mga tao para sa pagbibisita iglesia.
Nakatutok din ang pulisya sa pagdagsa ng mga pasahero o biyahero sa Araneta bus terminals at Pasay terminals ,na pauwi sa kani-kanilang probinsiya upang doon magbakasyon at gunitain ang Semana Santa.
Mas paiigtingin din ng mga pulis ang pagpapatrulya sa mga matataong lugar upang masawata ang mga krimen sa lansangan at mabantayan din ang mga naiwang bahay ng mga biyahero.
Maliban sa mga itinalagang mga pulis, katuwang din ng mga ito ang force multipliers mula sa mga barangay tanod at guwardiya ng mga establisimiyento para tiyakin ang seguridad ng publiko.
-Bella G. Gamotea