Ang problema sa plastic ay pagiging non-biodegradable nito. Hindi tulad ng ibang materyales tulad ng kahoy, papel, tela, at katad, hindi nabubulok sa paglipas ng panahon. Sinasabi ng ilang siyentista na maaaring abutin ng 450 years—ilan ang nagsabing hindi kailanman—mabubulok ang mga plastic na mayroon tayo ngayon sa mundo.
Dahil naimbento ang plastic noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at nagsimula ang produksiyon noong bandang 1950, nasa 9.2 bilyong tonelada na ng plastic ang nalikha at 6.9 bilyon ang nagiging basura na patuloy na lumalago sa milyon tonelada kada taon. Nasa pagitan ng 5.3 milyon at 14 milyon tonelada kada taon ang itinatambak kalimitan sa mga baybaying bahagi, na napupunta sa mga dagat. Nananatili ito doon taon man ang makalipasm, at karamihan ay napupunta sa mga tiyan ng mga lamang-dagat na kalaunan ay namamatay dahil sa mga sugat sa loob ng katawan.
Isang pag-aaral ang kumilala sa Pilipinas bilang ikatlo sa pangunahing pinanggagalingan ng basurang plastic sa mga karagatan ng mundo, sunod sa China at Indonesia. Kabilang tayo sa nangungunang gumagamit sa buong mundo ng mga produktong plastic bilang pambalot ng pagkain, bags, pakete para sa medisina, bote, panghalo at mga straw ng mga inumin.
Gayunman, sa pandaigdigang paghahanap ng solusyon para sa problema sa plastic, nakahanap ang Pilipinas ng sarili nitong kontribusyon. Isang pabrika sa Las Pinas ngayon ang nagre-recycle ng mga “soft plastics” tulad ng mga pagbalot sa mga pagkain upang gawin upuan na ibinibigay ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation sa mga pampublikong paaralan. Mga eco-bricks naman na gawa sa gamit na plastic, ang nililikha ngayon ng Green Antz Builders para pabahay. Nagtatayo rin ngayon ang San Miguel Corporation ng mga daan at kalsada na gawa sa mga ni-recycled na plastic. Kung mapatunayan na epektibo ang teknolohiya at makamit nito ang ligtas at kalidad na kinakailangan, sinabi ng kompanya na maaari nila itong gamitin para sa malaking produktong pang-imprastraktura.
Nitong nakaraang linggo, napaulat na nakadiskubre ang mga mananaliksik sa biology department ng University of the Philippines Baguio ng apat na strains ng bacteria na kayang bulukin o i-biodegrade ang Low-Density Polythylene (LDPE) na ginagamit sa paglikha ng mga plastic bag, botely at mga pambalot. Nakolekta ang bacterial strains mula sa mga siwang ng bato sa Poon Bato spring sa Botolan, Zambales. Nanawagan ang mga mananaliksik ng patuloy na pag-aaral sa iba pang polymer-degrading microorganisms.
Kahalintulad na mga pananaliksik at pag-aaral ang isinasagawa ngayon sa iba pang mga bansa kaugnay ng malaking problema ng mundo sa basurang plastic. Nakalulungkot man na ikatlo ang Pilipinas sa pinagmumulan ng basurang plastic na ngayon ay natambak sa mga karagatan ng mundo, nakatutuwang malaman na gumagawa tayo ng sarili nating kontribusyon upang humanap ng solusyon—sa pamamagitan ng mga inobatibong paraan upang i-recycle ang plastic at gawin isang kapaki-pakinabang na bagay tulad ng mga upuan at materyales sa paggawa ng mga kalsada.
Maaari ring magbigay ng paraan ang naging pananaliksik ng UP Baguio para gawing biodegradable ang mga plastic tulad ng ibang materyales sa mundo, upang isang araw mawawala na ang dala nitong problema at panganib lalo na sa mga buhay na nasa mga karagatan ng mundo.