MULTA at pagsuspinde sa ipinagkaloob na pagtataas ng water rates ang tinutumbok ng inilabas na resolution ng Board of Trustees ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kasunod ng kapalpakan ng Manila Water na nagdulot ng perwisyo sa mga connectors nito sanhi ng biglang water shortage sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Palakpakan agad ang ilang mga kaibigan ko na mga taga-Mandaluyong City – na nakaranas ng hindi pagligo ng ilang araw dahil ang kanilang lugar na yata ang pinakamatinding naapektuahn ng water shortage -- nang malaman nila ang balitang ito. Ganito ang halos magkakaparehong pahayag nila: “Sana pagmultahin ang Manila Water ng bilyong piso at ibawas naman iyon sa binabayaran naming mga connector.”

Ang Resolution Number 2019-052ay nag-aatas sa MWSS Regulatory Office (RO) na pag-aralan ang pagsususpinde ng rate increase sa Manila Water concession areas, dahil sa malawakang service interruptions na dinanas ng mga connector sa coverage areas nito. Kasama rito ang pagsusumite ng MWSS RO ng kanilang panukala na dapat ay “batay sa katotohanan at may legal basis”.

Inihayag ito nina MWSS Chairman Franklin Demonteverde at Administrator Reynaldo Velasco, mga miyembro ng MWSS Board, bilang pagtalima sa naging rekomendasyon ng Concession Monitoring Committee (CMC) na atasan ang MWSS RO na pag-aralan kung anong parusa ang ipapataw sa Manila Water dahil sa hindi nito natupad ang nilalaman ng Article 10.4 ng “concession agreement”. Kasama pang mga board member na lumagda sa resolution sina Melchor Acosta Jr., Mariano Alegarbes, Merly Cruz, Jose Hernandez, Valeriano Pasquil, Melanie Sia-Lambino at Elpidio Vega.

Ito ay matapos na humingi ng paumanhin nito lamang nakaraang Miyerkules sina MWCI Chairman Fernando Zobel de Ayala at Vice Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala sa mga connector ng kanilang kumpanya na dumanas ng hirap dahil sa biglang kawalan ng tubig sa kanilang mga lugar.

Sa kanilang Facebook account idinaan ng mga bilyonaryong Ayala ang paghingi nila ng pasensiya sa mga customer ng Manila Water: “We continue to appeal for everyone’s patience as our teams at Manila Water are working hard and overtime to immediately and comprehensively remedy the situation.”

Sa naunang pahayag bilang pansarili niyang pananaw, sinabi naman ni Administrator Velasco na ang Manila Water ay kinakailangang magsagawa ng “relief and public contrition” sa pamamagitan ng “self-imposed penalty” para naman makabawi sa kumpanya ang mga connector nito na dumanas ng hirap dulot ng kawalan ng tubig.

“I would like to emphasize that this is just a voluntary act by Manila Water done in good faith. The MWSS board tasked me to work with them so we gave inputs to see what else could be done to assuage the affected consumers,” pahayag ni Velasco.

Sana naman ay gawing makatotohanan ang parusang ito na ilalapat sa Manila Water at ang dapat na makinabang ay ang mga agrabiyadong connector nito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.