IKA-31 kahapon ng mainit at maalinsangang buwan ng Marso. Sa marami nating kababayan, isa lang itong karaniwang araw ng Linggo at huling araw ng Marso. Ngunit para sa mga taga-Angono, Rizal lalo na sa mga may pagpapahalaga sa sining at sa buhay at nagawa ng mga National Artist o Pambansang Alagad ng Sining, mahalaga ang ika-31 ng Marso sapagkat magkasabay na ginugunita ang araw ng dalawang National Artist na taga-Angono, na sina Maestro Lucio D. San Pedro at Carlos Botong Francisco.
Bilang bahagi ng paggunita, ngayong Marso 31, 2019, ang Pamahalaang Bayan ng Angono sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon ay may inihanda at ginawang programa para sa dalawang artist. Ang paggunita sa kanila ginawa sa magkatabing libingan nila sa Angono Catholic Cemetery.
Tampok sa paggunita ang panalangin at pagbabasbas sa puntod ng nilang dalawang, nag-alay din ng mga bulaklak at simple ngunit makahulugang programa. Tampok ang pagbibigay ng mensahe nina Carlos Totong Francisco, apo ng National Artist at G. Albert de los Santos, manugang ng National Artist. Nagbigay din ng mensahe ang inyong lingkod. Gayundin sina Kg. Jeri Mae Calderon,Tagapangulo ng Lupon ng Turismo sa Sangguniang Bayan at si Mayor Gerry Calderon.
Bahagi rin ng paggunita ang pagpapasinaya ng pananda at pagtutog ng National Symphonic Band ng mga piling tugtugin at komposisyon ni Maestro Lucio D. San Pedro.
Ang dalawang National Artist ay parehong taga-Angono, Rizal. Magkapareho ng buwan at petsa ang kanilang kamatayan. Si Carlos Botong Francisco ay nagbalik sa kanyang Manlilikha noong Marso 31, 1969, Lunes Santo. Noong nabubuhay pa si Botong Francisco, isa siya sa 12 apostoles ni Kristo kung Semana Santa sa Angono. Si Botong Francisco rin ang pumili ng mga kulay at gumawa ng disenyo ng mga damit ng mga apostoles sa Angono na isinusuot ng mga apostoles tuwing Mahal na Araw sa Angono, Rizal.
Bilang henyo naman sa musika, si Maestro Lucio D. San Pedro ay nakapag-ambag nang malaki sa pagyabong ng ating Pambansang Kultura sa pamamagitan ng mga tugtugin at komposisyong nagtampok sa kanya bilang isang makabayang manlilikha ng musika o kompositor. Hindi na malilimot ang kanyang “Lahing Kayumanggi”, isang symphonic poem at ang awiting “Sa Ugoy ng Duyan” na nagpapahalaga sa lahat ng mga ina sa buong daigdig. Idagdag pa ang “Sa Mahal Kong Bayan” at ang “Kayumangging Malaya” na parehong mga makabayang awit at tugtugin, na kapag narinig ay nagpapaalab sa damdaming makabansa at ng pagiging isang Pilipino.
Si Botong Francisco naman ang nag-iisang pintor na bumuhay sa nalimot na sining ng miyural at nagtaguyod nito sa loob ng 30 taon. Sa kanyang mga likhang-sining, ang mga kuwadro ng makasaysayang lumipas ay isinalin niya bilang malilinaw na tala ng maalamat na katapangan ng mga ninuno ng ating lahi.
Sina Maestro Lucio D. San Pedro at Botong Francisco ay mga tunay na dangal at yaman hindi lamang ng Angono at ng lalawigan ng Rizal, kundi ng buong Pilipinas na kapwa nila minahal at itinampok sa kanilang mga komposisyon at likhang-sining.
-Clemen Bautista