May good news at bad news para sa consumers.

(MB PHOTO/FEDERICO CRUZ)

(MB PHOTO/FEDERICO CRUZ)

Para sa magandang balita, matapos ang serye ng oil price hike at tatapyasan naman ang presyo ng produktong petrolyo bukas, sa pangunguna ng Shell.

Sa pahayag ng Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ng Abril 2, nagbawas ito ng 30 sentimos sa kada litro ng diesel, 20 sentimos sa kerosene, at 10 sentimos sa gasolina.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaagad namang sumunod ang Petro Gazz at PTT Philippines, na nagpatupad din ng kaparehong bawas-presyo sa diesel at gasolina bukas.

Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya sa kahalintulad na oil price rollback, na bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Kasabay ng pinakamimithing oil price rollback, big-time naman ang nadagdag ngayong Lunes sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ng Petron at Solane.

Sa abiso ng Petron, dakong 12:01 ng umaga kanina nang nagdagdag ito ng P1.25 sa kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas, katumbas ng P13.75 na dagdag sa 11-kilogram na tangke ng LPG nito.

Bukod pa rito, tumaas din ng P0.70 ang kada litro ng Auto-LPG ng Petron.

Hindi naman nagpahuli ang Solane, na nagtaas ng P1.14 kada kilo, o P12.54 sa bawat regular na tangke ng LPG.

Ang price increase sa cooking gas ay bunsod ng paggalaw ng contract price ng LPG sa pandaigdigang merkado.

-Bella Gamotea