SA 11 aktres na kabilang sa 31 showbiz personalities na umano’y sangkot sa illegal drugs, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na karamihan sa mga ito ay nasa edad 20 at 30, at aktibo pa sa entertainment industry. Mukhang maaamo at mayuyumi raw ang mga ito at parang hindi makabasag-pinggan.
Badya ni Aquino: “Tatlo lang yata ‘yung matanda d’yan. Lahat sa kanila ay mga bata pa.” Dalawa raw sa mga ito ay drug pushers na nagbebenta ng party drug na ecstasy, ang drogang pampagana, sa kapwa mga artista.
May nabalitaan na ba kayong naospital o namatay (hindi nasawi) na aktor o aktres dahil sa paggamit ng pampaganang ecstasy? Sabi nga ng isang kakilala: “Bakit kailangan pa nilang gumamit ng ganitong droga, eh, kaybabata pa nila?”.
Tugon ko: “Oo nga. Hindi pa kailangan ng ecstasy ng mga kabataang aktres dahil sila ay sagana pa sa estrogen samantalang ang mga kabataang aktor ay sagana pa rin sa testosterone.”
Dagdag ko pa: “Noong kabataan ko, wala pang ecstasy at viagra, pero laging palaban si Manoy sa umaga at gabi.”
Sabad naman ni senior jogger: “Tama ka, noong kabataan ko kahit araw-araw, puwede.” Sulsol naman ni kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Palagay ko ay hindi pa rin gumagamit noon ng viagra si President Digong. Matikas pa siya noon. Ngayon yata ay aminadong nagba-viagra na siya.”
At least, matapat si PRRD sa pagsasabing sa edad na 73 (74-anyos na siya noong Marso 28) ay hirap na siyang tumayo kung kaya kailangan niya ang ayuda ng blue tablet. Sa kapwa kalalakihan, lalo na ‘yung mga senior citizens na, iwasang magmayabang. Tularan natin ang Pangulo sa pagiging sinsero sa kakayahan. Anyway, noon namang kabataan natin, kahit anong oras ay lumalaban tayo sa digmaan.
oOo
Siyanga pala, nilinaw ni PDEA chief Aaron Aquino ang naging pahayag ni PDu30 noong isang araw na lumalala pa ang problema ng droga sa Pilipinas. Ang impresyon ng ating Pangulo ay bunsod ng mga insidente ng malalaki at maraming kumplikasyon ng bultu-bultong shabu ng PDEA at PNP.
Nakasamsam ang PDEA ng 442 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.8 bilyon sa magkahiwalay na operasyon sa Muntinlupa at Maynila kamailan. Dahil sa confiscation ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga droga, ayon kay Aquino, nagkaroon ng impresyon ang Presidente at maging ang publiko na palala nang palala ang problema ng illegal drugs sa bansa.
Hindi natin masisisi kung ganito ang maging paniwala at impresyon ng taumbayan sapagkat sa kabila ng libu-libong napatay na drug pushers at users ng mga pulis at vigilantes, namamayagpag pa rin ang bawal na gamot sa mga lansangan, kalye, barung-barong at maging sa high-end condominiums at gusali.
Mr. PDEA chief, nagtatanong lang po: “Nasaan na kaya ang P11 bilyong halaga ng shabu na nasa apat na magnetic lifter na natagpuan ninyo sa Cavite kamakailan na wala nang laman at mukhang nailabas na? Ito kaya ay naipamudmod na ng drug syndicates at drug lords sa iba’t ibang lugar sa bansa, tulad ng Metro Manila at Cebu at maging sa kanayunan?”
Laganap pa rin ang shabu at hindi maubus-ubos hanggang ngayon kung kaya patuloy sa pagpatay ng pushers at users ang PNP at vigilantes habang halos wala namang naitutumbang drug smugglers at suppliers.
-Bert de Guzman