Bumagsak ang isang eroplano sa Germany nitong Linggo (Lunes sa Pilipinas), at tatlong katao ang nasawi, kabilang ang isa sa pinakamayayamang babae sa Russia.
Kumpirmadong namatay sa aksidente si Natalia Fileva, co-owner ng pribadong Russian airline na S7, ayon sa pahayag ng kanyang kumpanya.
Isang police car na humaharurot patungo sa lugar ng aksidente ang nakasalpukan ang isa pang sasakyan, at nasawi ang dalawang sakay nito, habang kritikal naman sa mga natamong sugat ang tatlong pulis, iniulat ng DPA news agency.
Sangkot sa air crash ang isang six-seater aircraft na galing sa Egelsbach sa France nang bumulusok sa isang bukirin bandang 1330 GMT, ayon sa pulisya.
Patay din ang isa pang pasahero ng eroplano, pinaniniwalaang Russian din, at ang piloto nito.
Si Fileva, na misis ni S7 CEO Vladislav Filev, ay ikaapat sa pinakamayayamang babae sa Russia, batay sa listahan ng Forbes magazine noong 2018, sa yamang nagkakahalaga ng $600 million.
-Agencé France Presse