INIHAYAG na ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño ang unang tatlong pelikulang finalists sa ikatlong taon ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Sa presscon nitong Huwebes ng hapon sa Gateway Mall, kinumpirmang isa sa finalists sa 3rd PPP ang Cuddle Weather, na kuwento ng dalawang sex workers, sa direksiyon ni Rod Marmol, produced ng Project 8 corner San Joaquin Projects. Base sa pahayag ng direktor, wala pa siyang cast dahil nag-iisip pa sila kung sino ang artistang papayag maghubad sa nasabing pelikula.
Sumunod ang LSS (Last Song Syndrome) nina Khalil Ramos, Gabbi Garcia, Tuesday Vargas, Elijah Canlas, at ang indie folk-pop band na Ben&Ben. Base sa gist ng pelikula, avid fans sina Khalil at Gabbi ng nasabing banda, at dito nagsimula ang kanilang kuwento, sa direksiyon ni Jade Castro, produced ng Globe Studios.
Ang ikatlo ay ang The Panti Sisters, mula sa IdeaFirst Company, na ididirek ni Perci M. Intalan. Sa Panti Sisters, pinagsama-sama na ang mga bida ng Born Beautiful at Die Beautiful na sina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables. Magkakapatid na bading ang tatlo, na ang wish ng kanilang dying father, kung sinuman ang makakapagbigay ng apo rito na magdadala ng apelyido nilang Panti ay pamamanahan ng P300 milyon.
Ang natitirang limang pelikula, o finished film, na kukumpleto saw along finalists ay ihahayag naman sa unang linggo ng Hunyo, at mapapanood sa 3rd PPP sa Setyembre 13-19, kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 taon ng Philippine Cinema.
-REGGEE BONOAN