“TINAWAGAN ko ang Cebu Prosecutor pagkatapos pakawalan ang pinaghihinalaang pumatay sa batang babae at iniutos kong arestuhin muli ito. Sinabi kong bawiin ang kautusan nitong nagpapalaya sa tao at dakpin muli ito,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Koronadal City, South Cotabato. Noong Biyernes ay ipinag-utos ng Office of the Prosecutor’s Office ng Lapu-Lapu City na palayain ang pinaghihinalaang pumatay sa 16 na taong gulang na si Christine Silawan dahil sa teknikalidad. Dahil dinakip ng NBI ang suspek nang walang warrant of arrest.
“Ang pagdakip sa pinaghihinalaan ay base sa hot pursuit. Ang hot pursuit na ginagawa ng awtoridad pagkatapos na ito ay makagawa ng krimen ay dapat patuloy hanggang sa siya ay madakip. Paano mo magagawa ang hot pursuit kung ang suspek ay sumakay ng eroplano? Hanggang mayroong nagsasagawa ng imbestigasyon at patuloy itong ginaganap araw-araw, hot pursuit din ito,” sabi ng Pangulo. Ipinagmalaki pa niya na dati siyang piskal upang maipaabot niya sa kanyang tagapakinig na higit siyang paniwalaan kaysa sa ginawa ng Prosecutor’s Office ng Lapu-Lapu City.
Sa totoo lang, hindi nakapaghintay ang Pangulo sa kanyang pagkakataon na gawin ito. Magagawa niya ito nang tahimik sa pamamagitan ng Department of Justice (DoJ) nang hindi mahahalata ang kanyang pakikialam.
Ang ulat na idinismis ng piskal ang kaso dahil hindi sila armado ng areest warrant nang kanilang arestuhin ang pinaghihinalaang gumawa ng karumaldumal na krimen. Karumaldumal ang pagpatay sa biktima dahil bukod sa tatlumpong saksak na nakita sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, at tinapyas pa ang kanyang mukha at kinuha ibang organ. Dahil dito, naging sensational ang kaso. Kaya nasabi ng Pangulo na napakasakit na ang kaso ay nadismis.
Kung totoo na ibinasura ng piskal ang kaso, sa aking palagay ay mali ito. Ang alam kong wasto at legal na paraan ay ang pagpapalaya sa akusado para sumailalim sa preliminary investigation. Kapag kasi hinuli ang pinaghihinalaan ilang araw pagkatapos magawa ang krimen, tungkulin ng awtoridad na magsampa muna ng kaso sa piskalya. Pagkatapos ng preliminary investigation na may abiso sa inaakusahan at may ebidensiya na nagkasala ito, iaakyat ang kaso sa korte na siyang mag-iisyu ng warrant of arrest para dakmain ang akusado.
Hindi puwedeng arestuhin ang suspek kapag ilang araw na ang nakalipas nang maganap ang krimen, maliban nga sa sinasabi ni Pangulo na ito ay hot pursuit. Ang sinasabi ng Pangulo, hanggang may nangyayaring imbestigasyon araw-araw hanggang sa mahuli ang salarin ay hindi hot pursuit. Ang basehan, maaaring arestuhin ng awtoridad ang suspek kapag may personal knowledge ang mga ito tungkol sa kahit anong elemento ng krimen na maiuugnay sa kanya, kahit ilang araw na ang lumipas nang maganap ang krimen. Personal knowledge ng awtoridad ang nagbibigay-buhay sa hot pursuit. Eh sa kasong ito, inaresto ang suspek makalipas ang ilang araw nang maganap ang krimen na batay lamang sa imbestigasyon ng NBI. Kaya ang ginawa ng Pangulo, bagamat wala sa legal na patakaran, ay pangmedya mileage at ito ay pandagdag sa kanyang approval rating.
-Ric Valmonte