ISA sa mga tampok at nakatutuwang kandidato sa pagka-Senador sa nalalapit na halalan sa Mayo si Samira Gutoc, isang maganda at batam-bata pang babaeng Muslim mula sa ‘non-government organization’ (NGO) sektor.
Ginugol ni Samira Gutoc ang kanyang makulay na buhay sa mahahalagang gawain sa pagpapasulong ng edukasyon, kabutihan at pagbibigay kapangyarihan sa mga kabataan. Umaasa siyang susuportahan siya ng mga NGO sa kanyang kandidatura.
Una kong nakilala si Samira sa Marawi City sa isang panahon ng halalan kung kailan hindi pa gaanong nabababoy ang ‘party-list system.’ Isa siyang ‘student leader’ noon at sinusuportahan niya ang kandidatura sa Kongreso ng AYOS, isang kabataang party-list, na kinakatawan ng anak kong si Jed na isang ‘career deplomat’ na ngayon,
Mula noon, masugid niyang isinulong ang kanyang adbokasiyang dapat makisali ang mga kabataan sa mga pambansang usapin at gawain. Bunga nito naging isa siya sa 500 pinaka-maimpluwensiyang Muslim ng Center for Muslim-Christian Understanding ng Georgetown University.
Napakarami ng nakadaupang-palad ni Samira na nakaraang 17 taon bilang mamamahayag, ‘manager, environmentalist, trainor, consultant, organizer’ at aktibista.
Nominado siya sa ‘Ten Outstanding Women in Nation’s Service (TOWNS) award’ minsan, ngunit sa halip, pinarangalan siya ng Ten Outstanding Young Men (TOYM) Leadership Award ng Junior Chamber International (JCI).
Nagtapos si Samira ng kanyang ‘bachelor’s degree in Communications’ at ‘Masters in International Studies’ sa Pamantasan ng Pilipinas (UP-Diliman), abogasya sa Arellano School of Law. Tumanggap din siya ng ‘Fellowship grant’ mula sa Oxford Center for Islamic Studies.
Naging ‘lecturer’ siya sa paksang ‘Muslim leadership’ sa iba’t-ibang institusyon gaya ng Civil Service Commision, Philippine Army at Young Muslim Network program ng Ateneo. Pinangasiwaan din niya ang ilang proyekto ng ARMM, kasama ang Lake Lanao Development project ng Philippine Muslim Women Council, at Mindanao Youth Speak para isulong ang usaping pang-kapayapaan.
Nakasama rin si Samira sa mga proyektong suportado ng UNESCO, USAID, AUSAID at Department of Foreign Affairs (DFA). Siya ang naging unang babaeng pangulo ng UP Muslim Students Association at Metro Manila Muslim Youth and Students Alliance.
Isa siya sa nagtatag ng Asian Peace Alliance, kasapi ng Asian Peace Research Association, dating ‘coordianator’ ng Young Moro Professionals Network (YMPN), at ‘convenor’ ng Philippine Center for Islam and Democracy. Regular din siyang nagsusulat sa pahayagang AMANAH ng Asian Muslim Action Network.
Isinama ng Liberal Party bilang isa sa Ocho-Diretso senatorial ticket nito, tunay ngang karapat-dapat suportahan si Samira Gutoc ng mga NGO at ibang sektor sa pagka-senador.
-Johnny Dayang