TALAGANG very simple o payak si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Sa larawan na inilathala ng isang English broadsheet noong Martes, ipinakikita ang Pangulo na nag-aalmusal sa isang karinderya sa Davao City. Ang larawan ni Mano Digong ay kuha ng pambansang photo bomber, este ni ex-SAP Christopher “Bong” Go. Tiningnan kong mabuti ang picture, akala ko kasi nagkakamay siya. May kutsara at tinidor pala.

Bulong ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo na ngayon ay nagiging observer na rin: “Kung lahat ng miyembro ng gabinete ng Presidente ay katulad niyang simple, at kung ang mga kongresista at senador ay hindi gahaman sa pork barrel at mandarambong ng pera ng bayan, hindi na kailangang mangutang ng ‘Pinas sa China ng bilyun-bilyong piso at i-surrender ang WPS sa kanila.”

Aba, may punto si kaibigan dito. Sabad naman ni senior jogger: “Tularan ninyo ang Pangulo, maging payak at maglingkod sa bayan at hindi maging amo o hari ng mamamayan. Pagkatapos sana ng eleksiyon at kayo’y nahalal, tuparin ang mga pangako at iwasang mapako ang mga ito.” Sige, magkape tayo diyan.

oOo

Inihayag ni PDEA Director General Aaron Aquino na may 31 showbiz celebrities o mga artista ang nasa narco-list nila. Ayon kay Aquino, ang mga actor at aktres ay pawang aktibo at popular pa hanggang ngayon. Sabi ng PDEA chief: “No one is a has-been” o sa wika ni Balagtas ay “Wala isa man sa mga ito ay laos.” Mr. Aquino, kumusta na ang apat na magnetic lifter na nasamsam sa Cavite at nagkakahalaga ng P11 bilyon? Hindi kaya nakakalat na ngayon ang mga ito sa lansangan?

Dalawa raw celebrities ang kliyente ng umano’y party drug dealer na si Stephen Pasion na napatay kamakailan sa parking lot ng kanyang condo. Ayon kay Aquino, naka-recover sila ng text messages mula sa isang male celebrity na umano’y bumili ng 200 piraso ng party drug ecstacy mula kay Pasion. Ang mga droga ay galing sa Netherlands at iba pang bahagi ng Europe sa pamamagitan ng dark web.

oOo

Hindi kumporme ang Malacañang sa kahilingan ni Sen. Leila de Lima na imbestigahan si PCSO Board member Sandra Cam hinggil sa umano’y P500 milyong tago o ‘di maipaliwanag na ari-arian ng dating whistle blower. Itinanggi ni Cam ang alegasyon ng isang residente mula sa Uson, Masbate na may mga ari-arian siya na hindi idineklara sa kanyang SALN.

Sa pagtanggi ng Palasyo sa hamon ni Sen. Leila kay PRRD na siyasatin ang corruption allegations laban kay Cam, sinabi ni spokesman Salvador Panelo na ito ay dinala na sa Office of the Ombudsman. “Dahil ito ay nasa Ombudsman na may kapangyarihang magsuspinde, hayaan nating ito ang kumilos.” Hindi sila papayag na sundin ang kahilingan ni De Lima.

oOo

Nagtataka ang mga Pilipino kung bakit laging sinasabi ni PRRD na hindi natin kayang makipaggiyera sa China tungkol sa isyu ng pag-okupa at militarisasyon nito sa West Philippine Sea. Ayon sa taumbayan, hindi naman tayo makikidigma sa dambuhalang China ni Pres. Xi Jinping kundi magpoprotesta lang tayo sa ginagawang dredging activities nito sa karagatang pag-aari ng PH at pangangamkam sa reefs at isla na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

Nagtagumpay tayo sa kasong iniharap ng PH sa Permanent Court of Arbitral (PCA) sa Hague, Netherlands. Ipaaalam lang natin sa China ang desisyon ng PCA. Magpoprotesta tayo sa ginagawa ng China sa WPS upang malaman ng buong mundo na hindi tama ito. Eh bakit daw laging takot na takot si PDu30 sa giyera sa China eh hindi naman tayo makikipaglaban sa kanila dahil walang puwersa ang ating Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP)?

-Bert de Guzman