MAINIT pa rin ang usapin hinggil sa Republic Act 11235 na mas kilala bilang Motorcycle Crime Prevention Act.
Halos tatlong linggo na ang nakararaan nang lagdaan ito ni Pangulong Duterte upang maging ganap na batas subalit hindi pa rin humuhupa ang damdamin ng mga motorcycle rider hinggil sa usaping ito.
Nitong nakaraang Linggo, ipinarating ng daan libong mga motorcycle enthusiast ang kanilang oposisyon sa naturang batas, partikular ang pagkakabit ng malaking plaka na gawa sa yero sa harapan ng mga motorbike.
Anang mga rider, kabobohan ang nagpasa ng batas na ito dahil malalagay lamang sa peligro ang mga rider dahil posibleng kumalas ito at lumipad sa kanilang mukha o katawan kapag hinangin habang tumatakbo nang matulin ang sasakyan.
‘Tila hindi pinag-aralan ang pagpasa ng naturang batas kaya ang giit nila’y huwag muna itong ipatupad hanggang hindi inaamiyendahan ang RA 11235 ng Kongreso.
‘Tila hindi naman bibigay ang mga opisyal ng gobyerno hinggil dito, lalo na ang Land Transportation Office na siyang magpapatupad nito.
Matapos ang kanilang diyalogo, nagkaisa sina Senator JV Ejercito at LTO chief Edgar Galvante na decal o sticker na lamang ang ilalagay sa harapan ng motorsiklo imbes na plaka na gawa sa yero.
‘Convincing’ na ba ito sa mga rider?
Nitong Martes, nagsagawa ng pulong balitaan ang mga opisyal ng Department of Transportation at LTO upang igiit na hindi nila ipupursige ang paggamit ng metal license plates. At sa halip, balak nilang gayahin ang disenyo at materyal na ginamit sa mga conduction sticker na ikinakabit sa mga sasakyang brand new.
Tiniyak naman ni Senator JV na tinututukan niya ang naturang batas hanggang mabalangkas ang implementing rules and regulations (IRR) para dito. Plano rin ni Senator JV, na isa ring motorcycle enthusiast, na plano rin niyang isulong pag-amyenda sa RA 11235 para mapangalagaan ang kaligtasan hindi lamang ng mga rider ngunit maging mga pedestrian na maaaring mahagip ng metal plate na sana’y ilalagay sa harapan ng motorsiklo.
Natunugan ni Boy Commute ang sentimiyento ng mga rider na nagsaad ng kanilang opinyon sa mga Viber at Facebook Messenger group.
Anila, hindi pa rin sila kumbinsido sa mga pahayag nina DOTr Secretary Arthur Tugade, LTO chief Galvante at Senator JV na sticker na lang ang gagamitin.
Ang tanong ng mga rider: Nasasan ang kasulatan?
Iyan ang mahirap kung hindi pinaniniwalaan ang ating mga lider sa pamahalaan.
Kumbaga, may ‘integrity problem’ sila.
-Aris Ilagan