HINIKAYAT ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang iba’t ibang pambansang ahensya at mga lokal na pamahalaan na buko juice ang ihain sa kanilang mga espesyal na pagtitipon at mga seminar sa halip na softdrinks upang matulungan ang mga magniniyog sa bansa na nagdurusa dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng mga kopras sa buong mundo.
Sa kanyang talumpati sa Summer Buko Fest nitong nakaraang linggo sa PCA Regional Office sa Palo, Leyte, sinabi ni PCA Eastern Visayas Manager Jeffrey delos Reyes na 3.5 milyong tao sa rehiyon ang nakadepende sa industriya ng niyog. Mula Enero ng nakaraang taon, aniya, bumagsak na ng 60 porsiyento ang presyo ng kopra—mula P38 patungong P12 kada kilo.
Pinag-aaralan ngayon ng mga opisyal ang iba pang oportunidad para sa industriya ng niyog maliban sa kopra. “If one half of our population would drink buko juice every day, it will be a big help to our farmers,” pahayag ng PCA official. “We are creating opportunities to augment their income and not be a copras-dependent.”
Ang industriya ng niyog ay bahagi ng agrikultura ng Pilipinas, na nahaharap ngayon sa malalaking problema. Noong 2018, nasa 0.9% lamang ang inilago ng agrikultura at nakapag-ambag lamang ng 0.1% sa pagkabuuang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) na 6.2% para sa buong taon, ayon kay dating Budget Secretary Benjamin Diokno.
Ang industriya ng bigas, partikular, ay bumaba, na nagdulot ng pagtaas sa inflation rate nitong nakaraang taon.Hindi sapat ang naaaning palay ng mga Pilipinong magsasaka para sa lokal na paggamit, kaya naman kinakailangan pang mag-angkat ng pamahalaan ng daang libong tonelada ng bigas mula sa Vietnam at Thailand.
Ang Rice Tariffication Law ang naging agarang solusyon ng pamahalaan, na nagpapahintulot ng walang limitasyong pag-angkat ng bigas matapos magbayad ng 35% taripa, na dati ay kinakailangan pa ng special permit mula sa National Food Authority. Dapat lamang na sapat na ngayon ang bigas para sa ating mga consumer, ngunit ito ay angkat na bigas. Hindi pa rin kinakaya ng ating mga magsasaka na maibigay ang ating kinakailangang sapat na dami ng bigas sa halagang abot-kaya ng masa.
Nitong Pebrero, sinabi ni Secretary Diokno na prayoridad ng administrasyong Duterte ang sektor ng agrikultura ngayong taon, sa alokasyon ng mas malaking pondo at tulong na pautang sa mga magsasaka sa produksiyon at pagbebenta.
Ang apela kamakailan ng Philippine Coconut Authority para sa suporta ng publiko ay nakaangkla sa pagkalahatang hakbang para matulungan ang agrikultura ng bansa. Dapat na bumili at gamitin ng mga Pilipino ang mas maraming bigas ng Pilipinas, kahit pa nga mas mahal ito sa murang angkat na klase. Kaalinsabay nito, dapat na bumili at gamitin ng mga Pilipino ng mas maraming produktong niyog ng Pilipinas, tulad ng buko juice, sa pagsusulong ngayon ng mga opisyal ng PCA sa kampanya kanilang inilunsad sa Summer Buko Fest nitong nakaraang linggo.
Kumikilos na ang pamahalaan upang matulungan ang agrikultura ng bansa. Mas magiging matagumpay ito kung bibigyan ito ng suporta ng mga Pilipino.