Kamakailan ay maraming fans ni Jessy Mendiola ang nagtanong kung lilipat daw ba siya ng network dahil sa Instagram post niyang: “old endings and new beginnings.”
Naisip pa ng mga followers ng aktres na baka nag-break na sila ng boyfriend na si Luis Manzano, or baka totoong magpapakasal na sila ni Luis at gusto naman niya ng bagong environment.
Kaya sa mediacon ng bago niyang movie sa Regal Entertainment Inc., ang Stranded na second movie team-up nila ni Arjo Atayde, natanong muli si Jessy tungkol dito at nagpaliwanag naman siya.
“Kahit po ako nagulat din na may mga speculations na lilipat daw ako ng network,” nakangiting sagot ni Jessy. “Naisip ko na kaya may ganoong speculations, dahil hindi ako masyadong visible, since the Metro Manila Film Festival last December na entry namin ang ‘The Girl in the Orange Dress’ nasundan lamang ito ng indie film na ‘Tol at ngayon, itong ‘Stranded’. Wala po naman akong balak to move out pero who knows, hindi natin alam ang mangyayari sa future. Hindi po kasi nila ako masyadong nakikita sa ABS-CBN shows kaya siguro sila nag-iisip ng ganoon.
“Basta ngayon po, naka-focus muna ako sa blog ko saka sa online business na itinayo ko, ang SenyoritaJph, na tawag namin ay Señorita na nagbebenta ng kaftans, beach kaftans, beachwear and everything, since nagsimula na rin po ang summer. It’s only a small online business at sana ay maging successful.”
Sa Stranded, gagampanan ni Jessy ang role ni Julia, isang babae na hindi na-imagine na makikila ang lalaking magpapabago sa buhay, sa isang mabagyong gabi. Si Spencer (played by Arjo Atayde) ang tinutukoy na wala namang direksyon ang buhay. Lahat kasi sa kanya ay stable, her career, her love life.
Sa direksyon ni Ice Idanan, pangalawa ang Stranded sa feature film na ginawa niya. Ang una ay ang Sakaling Hindi Makarating (The Amazing Journey of the Letters) na naging finalist sa Cine Filipino Independent Film Festival noong March 2016, at nanalo ng pitong awards out of 10 nominations including Best Director, Best Cinematography at first runner-up for Best Picture. Nanalo rin si Ice as Best Indie Cinematographer sa nasabing pelikula noong 2017 sa PMPC Star Awards for Movies.
Kasama rin sa cast sina Miko Raval, Mich Lagayu, Miggy Marty, Pinky Amador, at Johnny Revilla. First movie rin ito ni Gretchen Ho. Sa April 10 ipalalabas ang Stranded in cinemas nationwide.
-NORA V. CALDERON