Sinabi ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na aabot sa mahigit 100 ang celebrities na iniuugnay sa ilegal na droga batay sa pinagsamang watchlist ng pulisya at militar, pero nilinaw na bina-validate pa nila ang nasabing listahan.
Sinabi rin ni PDEA Director General Aaron Aquino na sa 31 celebrities na nasa drug watchlist ng ahensiya ay 11 ang aktres.
Gayunman, tumanggi si Aquino na pangalanan ang nasabing celebrities sa PDEA watchlist hanggang hindi pa natatapos ng ahensiya ang masusing beripikasyon sa mga ito.
Ayon pa kay Aquino, karamihan sa mga nasabing celebrities ay nasa edad 20s at 30s, at marami sa mga ito ang aktibo sa showbiz.
Sinabing tatlo lang sa 11 aktres ang may edad na, inihayag ni Aquino na dalawa sa mga ito ang una nang natukoy na nagbebenta ng shabu at party drugs, tulad ng ecstasy, sa kanilang mga kliyente na karamihan ay nasa movie industry din.
Tiniyak naman ni Aquino na kalaunan ay malalaman din ng publiko kung sinu-sino ang mga celebrities na tinutugaygayan ng PDEA kapag naaresto at nakasuhan na sa korte ang mga ito.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng PDEA na si Derrick Arnold Carreon na ang mga celebrities sa watchlist ng ahensiya ay hindi katulad ng mga “narco politicians’’ na una nang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang illegal drug personalities.
Paliwanag ni Carreon, “alleged narco politicians are seeking public office and are courting the people for votes’’, kaya ang pagkakasama ng mga ito sa drug list “is imbued with public interest”.
-Chito A. Chavez