ANIM na araw mapatay ng isang gunman ang nasa 50 katao at masugatan ang 50 iba pa sa dalawang mosque sa Christchurch, New Zealand, ipinagbawal ng bansa ang mga armas na estilong pangmilitar tulad ng ginamit ng salarin—dalawang semi-automatic weapons na may 30-round magazines, dalawang shotguns, at isang lever-action firearm, na lahat ay nabili online.
Isa ito sa pinakamalungkot na panahon ng New Zealand, ayon kay Prime Minister Jacinda Ardern, na pinakamalalang insidente ng pamamaril sa modernong kasaysayan ng New Zealand. Ikalawa ang New Zealand sa pinakaligtas na bansa sa buong mundo sunod sa Iceland, base sa Global Peace Index.
Malaking bahagi ng pandaigdigang reaksiyon ay dahil sa naging rason ng pamamaslang. Kinilala ang salarin bilang isang “white supremacist” na pinuntirya ang mga Muslim na nasa kasagsagan ng kanilang pagdarasal para sa araw ng Biyernes sa kanilang mga mosque. Sa Amerika, maraming opisyal ang pumuri na mabilis na aksiyon ng pamahalaan ng New Zealand sa pagbabawal ng malalakas na armas na ginagamit sa pamamaril, na madali lamang na nakuha ng gunman.
Ang mabilis na pagbabawal ay nagmarka ng kaibahan sa pagtanggi ng Amerika na ipagbawal ang anumang paraan ng pagkuha ng armas ng mga Amerikano sa kabila ng paulit-ulit na insidente ng pamamaril. Ang pagmamay-ari ng baril ay isang kinikilalang tradisyon sa kasaysayan ng Amerika, na protektado ng Amendment 2 ng Konstitusiyon ng Amerika. Kaya naman, sa kabila ng maraming insidente ng pamamaril na nagaganap sa Amerika na gawa ng nag-iisang salaring may bitbit na iba’t ibang armas, patuloy na tinatanggihan ng mga opisyal sa Amerika na ipagbawal ang karapatang makakuha ng ganitong mga armas.
Pinakamalalang katulad na insidente sa kasaysayan ng Amerika ay naganap noong Oktubre 1, 2017, nang magpaulan ng bala ang nag-iisang gunman sa kumpol ng tao na dumadalo sa isang open-air country music festival sa Las Vegas, Nevada, kung saan 58 ang nasawi habang mahigit 515 ang sugatan. Makalipas ang isang taon, noong Nobyembre 5, 2018, panibagong salarin ang namaril sa isang kongregasyon sa gitna ng church service sa isang Baptist Church sa Sutherlad Springs, Texas, namatay ang nasa 26 at 20 ang nasugatan.
Bago ito, maraming katulad na pag-atake ang naganap sa US—14 estudyante sa high school at tatlong guro ang napatay sa Parkland, Florida, noong 2018; 49 ang nasawi sa isang nightclub sa Orlando, Florida, noong 2016; 32 ang namatay sa Virginia Tech sa Blacksburg, Virginia, noong 2007; nasawi ang 26 sa isang elementarya sa Newton, Connecticut, noong 2012; 23 ang pinatay sa Killeen, Texas, noong 1991 at 21 ang nasawi sa San isidro, California, noong 1984.
Nagprotesta ang mga estudyante sa iba’t ibang bahagi ng Amerika upang ipanawagan ang mas mahigpit na batas sa baril matapos ang mga naganap na insidente, ngunit tumanggi ang Kongreso ng Amerika na ipagtibay ang anumang batas na naghihigpit sa pagmamay-ari ng baril. Noong 2018, nakipagkita si President Donald Trump sa mga estudyanteng nagpoprotesta matapos ang pamamaril na naganap sa Florida High School, ngunit nagbigay lamang ito ng suhestiyon na armasan ang mga guro upang protektahan ang kanilang mga estudyante. Inasahan na ng mga Amerikano na walang gagawing aksiyon ang pamahalaan upang pahigpitin ang pagmamay-ari ng mga armas, gaano mas ito kalakas, sa mga Amerikano.
Ngunit naging tiyak ang tugon ng New Zealand sa pamamaril sa Christchurch, na aminadong malaking bahagi ng problema ay ang magaan at mabilis na pagkuha sa mga malalakas na armas, kaya sinumang tao—Islamic terrorist o white supremacist o simpleng tao na hindi kinakaya ang tindi ng mga pagsubok—ay mabilis na makakukuha ng paraan upang magpasimula ng isang matinding karahasan.
Sa ngayon, ipinagbabawal ng New Zealand ang mabilis at magaan na pagkakaroon ng malalakas na armas na karaniwang ibinibigay sa mga puwersa ng militar upang gamitin laban sa mga kalaban ng estado. Tinanggihan ng Amerika ang anumang pagsisikap para sa hakbang na ito. Maaasahan natin na mas marami pang insidente ng pamamaril sa mga paaralan, parke, at mga simbahan ang magpapatuloy sa bansang ito.