IBINASURA ng Chicago prosecutors nitong Martes ang mga kasong isinampa laban sa Empire actor na si Jussie Smollett na palabas lamang nito ang kinasangkutan niyang hate crime, na ikinagalit ng police superintendent at mayor ng lungsod, at tinawag pa nito ang desisyon na “whitewash of justice.”
Inihayag ni Jussie, na isang black at gay, sa mga mamamahayag nitong Martes na totoo ang sinasabi niya – may dalawang lalaking sinakal siya ng lubid at binuhusan ng kemikal “while yelling racist and homophobic slurs” at “expressing support for U.S. President Donald Trump” noong January.
Ngunit hindi sinang-ayunan ni Mayor Rahm Emanuel ang sorpresang pagbawi ng Cook County prosecutors, at iginiit niyang ang pag-atake ay peke at tinawag niyang indecent si Jussie sa pagpapanggap nitong biktima siya.
“This is a whitewash of justice,” sabi ni Emanuel sa news conference. “From top to bottom, this is not on the level.”
Sinabi naman ng prosecutor sa kaso na maiintindihan niyang kung kukuwetiyunin ng publiko ang pagbasura sa kaso, ngunit libu-libong kaso ang katulad ng kaso ni Jussie, at nagbayad na rin ang aktor ng piyansa at nagawa ang iniatas na community service nang sa gayon ay maisara na ang kaso bago pa man isagawa ang trial.
Nagpahayag ng kaunting detalye ang Cook County State's Attorney's Office kung bakit ibinasura nito ang 16 felony disorderly conduct charges.
"After reviewing all of the facts and circumstances of the case, including Mr. Smollett's volunteer service in the community and agreement to forfeit his bond to the City of Chicago, we believe this outcome is a just disposition and appropriate resolution to this case," lahad ng state's attorney's office.
Nagsagawa si Jussie ng kabuuang 16 na oras ng volunteer service nitong Sabado at Lunes para sa Rainbow Push Coalition, na itinatag ni Rev. Jesse Jackson.
Ayon naman kay First Assistant State's Attorney Joseph Magats, lead prosecutor, na hindi maibabasura ang kaso nang walang piyansa at community service. Aniya pa, wala umanong naunang kaso si Jussie at hindi siya “danger to the community”.
"He was prosecuted. It may not have been the disposition that everybody thought would occur," sabi ni Magats sa CNN affiliate WLS. "He did do community service. He did forfeit $10,000. It's a fair and just disposition in the case."
Aniya pa, mayroong 5,700 iba pang kaso ng kaparehas na resulta, ngunit ang naturang kaso ay lumaki at pinag-usapan dahil celebrity ang nasasakdal.
-Reuters