INARESTO ng awtoridad ang isang Filipino-Australian singer at actor makaraang makabundol ng dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at tinangka pa nitong takasan ang insidente sa  Makati City, kamakalawa.

MIGO

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property at disobedience to person in authority ang suspek na si Douglas Errol Dreyfus Adecer o mas kilala bilang Migo Adecer, 19, dating itinanghal na “Ultimate Male Survivor” ng Starstruck ng GMA 7.

Samantala, nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang mga MMDA employees na sina Rogelio Formelos Castillano, nasa hustong gulang, ng No. 10 Pineapple Road, Malabon City, at Michelle Gallova Papin, 34, dalaga, ng 2254 San Anton St., Sampaloc, Manila, sanhi ng mga natamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pelikula

Barbie Forteza, magkakaroon ba ng pelikula; sinong leading man?

Sa ulat ni Chief Insp. Gideon Ines Jr. ng Makati City Police, naganap ang insidente sa panulukan ng JP Rizal at Pertirra Sts., Barangay Poblacion sa nasabing lungsod, dakong 6:00 ng gabi.

Minamaneho ng aktor ang puting Subaru BR2 sa lugar nang bigla nitong mabundol ang dalawang biktima na nasaksihan ng PSD traffic enforcers, na agad na humingi ng tulong sa mga pulis.

Sa halip na hintuan ang mga biktima, pinasibad umano ng suspek ang kotse kaya hinabol siya ng awtoridad hanggang sa masakote sa kanto ng N. Garcia Street.

Sa ginawang beripikasyon, sinasabing lasing ang aktor at nagpakita ng masamang asal. Nang sukulin ng mga awtoridad at tumanggi itong isuko ang kanyang driver’s license, bago biglang pinasibad muli ang kotse sa kasalungat na direksiyon kaya nabangga niya ang police patrol car.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1, Tactical Monitoring Response Unit (TMRU) at PCP 6 hanggang sa maaresto ang suspek.

Depensa naman ni Atty. Marie Glen Garduque, abogado ng aktor, hindi umano alam ng kanyang kliyente na nahagip niya ang dalawang biktima kaya nagpatuloy lang siya sa pagmamaneho.

Ang kaso ng aktor ay iniimbestigahan ng Vehicular Traffic Investigation Unit ng pulisya.

-Bella Gamotea