Wala pang natatanggap na ulat ang Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command (AFP-NoLCom) kaugnay ng umano’y insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal o kilala bilang Bajo de Masinloc sa Zambales.
Ito ang reaksyon ni AFP-NolCom chief, Lt. Gen. Emmanuel Salamat.
Ang pahayag ni Salamat ay tugon sa kumakalat sa social media na campaign video ni senatorial candidate Neri Colmenares na pinaniniwalaang pinupuntirya ang mga usapin sa pagitan ng China at ng Pilipinas kaugnay ng umano’y nangyayaring pagharang sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc na nasa area of responsibility (AOR) ng NolCom.
"NoLCom aims to clarify these intriguing issues which were mentioned without proper substantiation as viewed from his campaign video. Issues like the presence of China’s dredging ships and Chinese harassments of Filipino fishermen in Zambales were heavily highlighted in the video," ayon kay Salamat.
Paglilinaw nito, nakipag-usap na sila sa Bureau of Fisheries and Aquatric Resources (BFAR) na nagkumpirmang wala pang naitatalang kahalintulad na insidente.
Siniguro rin nito na patuloy pa rin ang isinasagawang maritime patrol ng mga tauhan ng Philippine Navy at Coast Guard sa northern maritime border na saklawa ng kanilang AOR upang matiyak ang pagkakaroon ng freedom of navigation sa Sea Lines of Communication (SLOC). Francis T. Wakefield