Ngayong iniuugnay ang kanilang pangalan sa illegal drugs trade, nagsimula na ang Philippine National Police (PNP) sa pag-validate sa intelligence report na ginawa ng sinibak na police colonel na si Eduardo Acierto, na tinukoy ang dalawang negosyante, na umano’y malapit kay Pangulong Duterte, na sangkot umano sa smuggling ng shabu sa bansa.

Ito ay sa kabila ng pahayag ni Pangulong Duterte at ng Malacañang officials na naglilinis sa pangalan ni dating presidential adviser on economic affairs Michael Yang.

Ayon kay Police General Oscar Albayalde, walang masama kung iimbestigahan nila ang alegasyon ni Acierto kay Yang at negosyanteng si Allan Lim.

“The President did not stop us or did not tell us to stop our validation. There is no harm in validating. Wala naman masama doon sa mag-validate ka to boost the statement of the President and even the ambassador of China kung talagang wala naman sila kinalaman,” sabi Albayalde.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nitong Martes, nilinis ni Albayalde ang pangalan nina Yang at Lim, sinabing ang dalawa ay hindi kabilang sa kanilang drug watchlist. Binatikos din niya si Acierto at sinabing ang alegasyon ay maaaring paraan upang mabaling ang atensiyon ng publiko sa pagkakasangkot nito sa P6.4 billyong halaga ng shabu noong nakaraang taon.

Matatandaang iniulat ni Acierto ang tungkol kina Yang at Lim noong 2017.

Ang kanyang intensiyon, aniya, ay bigyang babala si Pangulong Duterte laban sa pakikipagkaibigan sa dalawang negosyante na sinabi niyang palaging dumadalo sa mga pagpupulong ng Pangulo at ng mga negosyanteng Chinese.

Samantala, hinimok ni Opposition Senator Leila de Lima si Acierto na isapubliko ang nakalap nitong intelligence report laban kina Yang at Lim.

"Almost three years since he launched his anti-narcotics campaign, Duterte still failed to apprehend big-time drug users and pushers who continue to profit from illegal activities, while he persistently targets the poor. Ito nga kaya ay dahil si Pangulong Duterte mismo ang Number 1 drug lord o protector ng mga drug lords sa bansa?" ani De Lima.

-Aaron Recuenco at Leonel M. Abasola