BATAY sa mga report, tatlong araw lang matapos kasuhan nina ex-Ambassador Albert del Rosario at ex-Ombudsman Conchita Carpio- Morales si Chinese Pres. Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC), halos 10,000 netizens ang lumagda sa online petition na sumusuporta sa paghahain ng reklamo laban sa Pangulo ng China.
Ang online petition na pinasimulan ni Quezon City resident Narzalina Lim sa Change.org noong Biyernes, ay nakalikom na ng 9,200 signatures, ayon sa report noong Linggo ng hapon. Suportado nila ang kahilingan nina Del Rosario at Carpio-Morales kay ICC prosecutor Fatou Bensuoda na mag-initiate ng preliminary investigation sa posibleng mga krimen sa sangkatauhan (crimes against humanity) na nagawa ni Xi at ng mga opisyal ng China sa dredging activities sa West Philippine Sea (WPS). Si Fatou, kung natatandaan ninyo, ay binantaan ng ating Pangulo na sasampalin kapag nagpunta sa bansa at nag-imbestiga.
Sa paglagda sa online petition, sinabi ng ilang supporter na kailangang kumilos ang PH laban sa agresyon at pananakop ng China sa WPS. Sabi ng isa: “Lumagda ako dahil nangangamba ako sa kalagayan ng mga mangingisda. Ito ay buhay at kamatayan sa kanila. Mahal ko ang ating bansa. Plain and simple.”
Saad ng isa pa: “Bilang isang Pilipino nakikisimpatiya ako sa mga mangingisda na inaagawan ng hanapbuhay sa karagatan, bukod pa sa malawakang pagpinsala sa ating maritime environment sa utos ni Xi Jinping. Todo ang suporta ko petisyon nina Amb Del Rosario at Morales sa ICC. Sa komunikasyon noong Marso 15 na ipinadala ng dalawa sa ICC, inakusahan nina Del Rosario at Morales si Pres. Xi Jinping at iba pang Chinese officials ng crimes against humanity dahil sa mga aksiyon ng Beijing sa South China Sea.”
oOo
Hinamon ni Sen. Leila de Lima mula sa kanyang kulungan sa Camp Crame noong Linggo si Pres. Rodrigo Roa Duterte na sibakin agad si Sandra Cam, miyembro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board, dahil umano sa pagkakaroon ng ‘di maipaliwanag na P500 milyon matapos hirangin ni PRRD sa PCSO.
Sa kanyang sulat-kamay, sinabi ni De Lima na kapag hindi kumilos ang Pangulo sa shenanigans ni Cam, tiyak na sisira ito sa adbokasiya at imaheng nais niyang sugpuin ang kurapsiyon, at sa paulit-ulit niyang “mantra” na “just a whiff of corruption”, tatagpasin niya ang ulo ng mga corrupt official sa gobyerno.
Mahigpit na tinanggihan ni Cam ang pahayag ni Sen. Leila at sinabihan ang senador na “shut up” at iwasan ang smear campaign laban sa kanya. Ayon kay Ms. Sandra, na nakabangga rin ni Marine retired General Alexander Balutan, ex-PCSO general manager, tinatangka raw siyang siraan upang masira rin si PRRD.
Pinabulaanan ni Cam ang reklamo sa Office of the Ombudsman ng isang Lino Espinoza Lim Jr., residente ng Uson, Masbate, na nabigo siyang ideklara ang mga ari-arian sa kanyang SALN. Sa reklamo, isinasaad na itinago ni Cam ang pagmamay-aring mga property, Beach Resort and Convention Center, dalawang parsela ng lupain sa Barangay Pinamoghaan, Ticao Island, San Fernando, Masbate, na inilagay umano sa pangalan ng mga miyembro ng pamilya.
“Hindi kailanman ako magnanakaw kahit isang sentimo sa gobyerno dahil ang adbokasiya ko ay good governance”, badya ng matapang na si Sandra Cam.
-Bert de Guzman