Isiniwalat nitong Martes ni Pangulong Duterte na ipinag-utos niya ang muling pag-aresto sa 17-anyos na suspek sa pagpatay kay Christine Silawan sa Cebu City nitong unang bahagi ng buwan.
Sa kanyang talumpati nitong Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na tinawagan niya ang prosecutor na nag-utos na palayain ang suspek, na una nang iniulat na dating nobyo ng biktima.
"'Yung nakapatay sa bata, ni-release and they act upon orders of the prosecutor. Tinawagan ko siya pagka-umaga," ani Duterte.
"Sabi ko i-recall mo 'yang ano mo order ninyo of dismissal and have the guy rearrested," dagdag niya.
Nitong nakaraang linggo, ipinag-utos ng Lapu-Lapu City Prosecutor’s Office na palayain ang 17-anyos na suspek dahil ang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ay hindi valid sapagkat wala itong warrant.
Ayon kay Duterte, dapat alam ng mga fiscals ang kahulugan ng hot pursuit operation.
"Kasi fiscal ako, fiscal ka. Marami man tayong abugado dito. Iyong interpretation ng hot pursuit," aniya.
"Right after the commission of the crime, there is a hot pursuit. Continuous 'yan hanggang mahuli mo. Then you file a case," dagdag niya.
"Hindi ako papayag na ganunin mo lang ang tao especially oppression. Patayin mo ang bata? Balatan mo tapos magsibat ka lang? Mahuli ka after six days tapos ma-release ka kasi hindi hot pursuit?" pagpapatuloy niya.
"For as long as there is somebody who conducted investigation and made a follow-up everyday, that is still hot pursuit to me. Imposible 'yang sabihin mo na hot pursuit 24 hours lang ngayon," aniya.
-Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia