UPANG wakasan ang pananaw at mga limitasyon ng gampanin ng mga kababaihan at kalalakihan sa isang lipunan, inilunsad kamakailan ng National Museum Western Visayas ang isang hablon weaving demonstration.
Aktuwal na naranasan ng nasa 63 kalahok mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan at mga unibersidad, kasama ng iba’t ibang institusyon, grupo ng mg artist at mga turista ang paghahabi ng tela gamit ang “teral”.
Isinusulong ng programa ang ideya na maaari makilahok ang mga kalalakihan sa industriya ng paghahabi.
Bago ang pagpapakita ng paraan ng paghahabi, nagbigay muna ang 65-anyos na eksperto sa paghahabi na si Connie Atijon ng Miag-ao town, Iloilo ng maikling lektura kasama ng kanyang anak.
Binigyang-diin ni Connie na kailangang pahalagahan ng nakababatang henerasyon ang tradisyon ng paghahabi at subukang pag-aralan ang proseso nito kung mabibigyan ng pagkakataon.
Umaasa din siya na maipapasa niya ang kanyang galing sa paghahabi sa mga kabataan upang matiyak na maipagpapatuloy ang lumang tradisyong ito.
“Some of the youth now prefer to play with their gadgets than learn traditions like hablon (weaving). I hope they give time learning how to weave,” pahayag ni Connie.
Pagmamalaki rin niya marunong gumamit ng teral ang kanyang limang anyos na apo, isang patunay na hindi hadlang ang edad upang matuto ang nagnanais.
Sinabi naman ng kanyang anak na si Franco, na hindi maididikta ng kasarian ang dapat na gawin ng isang tao.
Tinutulungan niya ang kanyang ina sa negosyo nitong paghahabi sa Barangay Indag-an, Miag-ao, Iloilo, na may 20 maghahabi at 20 teral.
“I encourage my fellow men to learn weaving. This work and passion is not only for women,” panawagan niya sa isang panayam.
Pagbabahagi ni Connie, hindi lamang nasusuportahan ng hablon ang kanilang pangangailangan sa araw-araw ngunit nagbibigay din ito ng identidad sa mga kababaihan sa Visayas.
Patuloy ang pagsisikap upang buhayin muli ang tradisyon ng paghahabi sa Iloilo sa pamamagitan ng Cotton Development Program na inilunsad ng Philippine Fiber Industry Development Authority sa bayan ng Miag-ao.
Nakikipagtulungan din ang Department of Science and Technology - Philippine Textile Research institute sa Iloilo Science and Technology University upang magtayo ng isang Yarn Production and Innovation Center sa Miag-ao.
Sa tulong ng mga hakbang na ito ng pamahalaan, umaasa si Connie na patuloy na yayabong at uunlad ang paghahabi ng hablon.
Ang hablon ay Hiligaynon para sa “habol” na tumutukoy sa proseso ng paghahabi ng tapos na produkto nito.
PNA