ITALY ang naging unang bansa mula sa Group of Seven (G7) na nakiisa sa pandaigdigang estratehikong ugnayan na kilala bilang Belt and Road Initiative, sa paglagda ni Prime Minister Giusepper Conte ng isang memorandum of understanding kasama si China President Xi Jinping sa Rome nitong Sabado.
Binibuhay ng bagong pandaigdigang ugnayan, kilala rin bilang New Silk Road, ang sinaunang Silk Road na nagkokonekta sa China sa Gitnang Silangan at Europa mula pa noong 130 BC hanggang 1453 AD. Pinagdurugtong ng sinaunang daan na ito ang dalawang pangunahing mga sentro ng sibilisasyon ng mga panahong iyon higit 1,500 na ang nakararaan, bago ito hinarangan ng heo-politikal na mga kaganapan sa Gitnang Silangan, dahilan upang mapilitan ang Kanluranin na maghanap ng mga bagong ruta sa pamamagitan ng dagat sa Far East.
Ngayon, hinahangad ng China na buhayin muli ang sinaunang ruta ng kalakalang ito, gamit ang bakal at konkreto, mga optic fiber cables at satellite links, planta ng kuryente at mga pabrika, investment funds at mga bagong teknolohiya. Hangad ng bagong Silk Road na pag-ugnayin ang nasa 65 bansa at ekonomiya sa isang prosesong inaasahan nilang magdudulot ng kapayapaan at kasaganahan.
Bilang pagpapaliwanag sa interes ng Italy sa Belt and Road Initiative bago pa ang sa ibang miyembro ng European Union kasama ng polisiya nito sa pakikipagkasundo sa China bilang isang alyansa, sinabi ni Italian Foreign Minister Enzo Moavero na, “Italy is a major manufacturing and exporting country for whom it is very important to have access to such a large market as China.” Sa China International Import Expo noong Nobyembre, 2018, inanunsiyo ni President Xi Jinping na aangkat at mangangailangan ng serbisyo na nagkakahalaga ng $2 trilyon kada taon ang China.
Sa TimogSilangang Asya, kabilang ang Pilipinas sa mga unang sumuporta sa Belt and Road Initiative, kung saan nakatakdang dumalo si Pangulong Duterte sa ikalawang Belt and Road Forum sa Beijing sa susunod na buwan. Ang sinaunang Silk Road ay malaking lupaing ruta mula China na dumadaan sa Gitnang Asya patungong Iran, Turkey, Moscow, Netherlands, at Italy. Magkakaroon din ang bagong Silk Road ng dagat na ruta na daanan sa TimogSilangang Asya, India, patungong Greece at Italy sa pamamagitan ng Suez Canal.
Nitong nakaraang linggo opisyal na bumisita sa China si Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. kung saan sinabi niya na ang respeto at pagkakaibigan sa isa’t isa sa pagitan ni Pangulong Duterte at President Xi Jinping “[have] laid the foundation of a revitalized relationship between the Philippines and China which have always been friends and never enemies.”
Umaasa ang Pilipinas, na nagkaroon ng mahalagang tungkulin sa Kalakalang Galyon na dating nag-ugnay sa Asya sa Bagong Daigdig sa Timog Amerika, na magkakaroon din ito ng gampanin sa bagong Silk Road, ang Belt and Road Initiative, na inaasahang ang Davao ang magiging pangunahing daungan sa dagat na ruta ng itinatayong komunidad ng kalakalan.
Sa pormal na pagpasok ng Italy, nakahakbang ng malaki pasulong ang Belt and Road Initiative tungo sa hangarin nitong higit na pagsulong ng pandaigdigang ekonomiya.