Nilinaw ng isang konsehal sa Caloocan City na hindi magpapatupad ang lungsod ng bagong ordinansa sa pagbabawal nito sa pagsusuot ng sobrang ikling shorts sa mga pampublikong lugar sa lungsod.
Layunin ng City Ordinance 439 na pagtibayin ang isang dress code ay tukuyin at linawin kung aling mga damit ang hindi maaaring isuot sa mga pampublikong lugar sa Caloocan.
Sinabi ni Councilor Rose Mercado na ang Section 4 (b) ng ordinansa, na nagbabawal sa pagsusuot ng shorts sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan at pedicab, ay hindi “fully implemented” dahil walang gumawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Gayunman, aniya, ipinatutupad ang Section 4 (a) ng ordinansa na nagbabawal sa mga vendor sa pagsusuot ng shorts sa mga pampublikong lugar, gayundin binabawalan ang mga residente na lumabas ng bahay nang walang damit pang-itaas.
Inulan kasi ng batikos ang ordinansa nitong Lunes makaraang mag-viral ito online, kaya nilinaw ni Mercado na hindi bago ang nasabing batas, na nilagdaan noong 2007.
“We will study the possibility of allowing...but with an exemption in public places,” ani Mercado.
-Joseph Almer B. Pedrajas