“Payback time”

Ito ang naging tema ng mga laro kahapon sa pagbubukas ng second round ng men’s division ng UAAP Season 81 Volleyball Tournament sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Kapwa bumawi ang mga nagsipagwaging University of the Philippines at De La Salle University sa kani-kanilang katunggali na nanaig sa kanila sa first round.

Matapos mabigong makapagtala ng panalo noong unang round, binuksan ng UP Fighting Maroons ang ikalawang round sa pamamagitan ng paggapi sa University of the East Red Warriors, 25-20, 22-25, 25-20, 19-25, 15-11.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Dulot ng magandang distribusyon ng bola ni JM Baldelovar na nagposte ng 3 puntos at 36 excellent sets, nakabasag din sa wakas sa win column ang Maroons.

Tumapos na topscorer para sa UP si John Mark Millete na may 19 hits at 3 blocks para sa kabuuang 21 puntos bukod pa sa 13 digs.

Sinundan sya ni Brylle Consuelo na nagposte ng all around game na 14 puntos, 13 digs at 29 excellent receptions at Jerry San Pedro na mayroon ding 14 puntos.

Namuno naman para sa UE na bumaba sa markang 2-6, panalo-talo si Clifford inoferio na may 21 puntos.

Sa sununod na laro, binawian din ng Green Spikers ang first round tormentors University of Santo Tomas, 27-25, 25-22, 22-25, 25-23.

Dahil sa panalo, tumabla ang De La Salle sa kanilang biktima sa markang 3-5.

Pinangunahan ni Chris Dumago ang naturang panalo sa itinala nitong 18 hits, 9 digs at 17 excellent receptions.

Nanguna naman sa UST si Joshua Umandal na may game high 21 puntos.

-Marivic Awitan