TALAGANG galit si Pres. Rodrigo Roa Duterte nang ipatawag sa Malacañang noong Martes ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Maynilad at Manila Water (MW) tungkol sa isyu ng kawalan ng tubig sa Metro Manila at iba pang parte ng Rizal.
Sa banner story ng isang English broadsheet noong Huwebes: “Rody to water execs: Shape up or ship out”, nagbanta si Mano Digong sa mga water regulator ng gobyerno na sisibakin sila samantalang sinabihang tatapusin niya ang concession agreement ng Manila Water at Maynilad dahil sa pagkabigong makapag-supply ng sapat na tubig sa milyun-milyong Metro Manila residents. Well, bakit daw kasama ang Maynilad, eh, wala naman itong problema?
Sabi nga ni presidential spokesman Salvador Panelo, sa loob ng 40 minuto ay tanging ang Pangulo lang ang nagsalita. Hindi siya tumitingin sa mga pinuno ng MWSS, Maynila at MW habang pinagsasabihan ang mga ito sa pagkabigong mapigilan ang krisis sa tubig na nagdulot ng matinding perhuwisyo sa mga mamamayan na hindi makapaligo, makapagsepilyo kung kaya hindi nakapasok sa mga paaralan at trabaho.
Inatasan ni PRRD ang nasabing mga opisyal na magsumite ng report sa Abril 7 o kung hindi ay sisibakin sila at puputulin ang mga kontrata ng dalawang concessionaire. Inilarawan pa ni Spox Panelo ang meeting ng Pangulo at ng mga pinuno ng MWSS, MW at Maynila, bilang isang presidential monologue, na si PDu30 lang ang nagsalita at hindi pinakinggan ang anumang paliwanag ng mga ito.
Noong Marso 21 ang simula ng tinatawag na “vernal equinox” o sa simpleng salita ay ang mahabang oras ng araw. Ayon sa PAGASA, maaari na nilang ideklarang tag-araw (o tag-init) na sa ‘Pinas sa linggong ito dahil ang mainit na hangin mula sa Pacific Ocean ay patuloy sa paghahatid ng mainit na panahon sa bansa. Nang nakaraang taon, nagsimula ang dry season o tag-init noong Abril 10.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga Pinoy na maging handa sa nakaambang mahabang tag-araw ngayong taon bunsod ng El Niño. Dahil din daw sa pagdating ng vernal equinox, magiging mahaba ang araw kaysa gabi kung kaya makararanas ng init ang mga tao.
oOo
Isang obligasyon ng United States na ipagtanggol at protektahan ang Pilipinas alinsunod sa Mutual Defense Treaty (MDT), ayon sa Commander ng US Navy warship, na dumaong sa Maynila noong isang linggo. Sinabi ni Lt. Cmdr. Frederick Crayton, commander ng USS Chief, isang Adventure-class minesweeper, handa ang US sa pagtulong at pagtatanggol sa PH.
Pinaghahandaan ng Department of National Defense at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang planong pagbabalik sa bansa ng mga Filipino jidahists na galing sa Iraq at Syria. Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, sila ay nasa Iraq at Syria pa subalit maaari silang bumalik sa ‘Pinas anumang araw. Sila raw ang nagsipagsanay doon para gamitin sa ‘Pinas.
Ayon kay Lorenzana, sila ay sumanib sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at kapag ang ginamit nila sa pag-uwi ay mga paliparan, sila ay agad na aarestuhin. Gayunman, may posibilidad na sa kanilang pagbabalik, sila ay magdaan sa southern backdoor. Ang ISIS ay natatalo na sa Syria at Iraq, at nagsisitakas at nagsisilikas na sa ibang bansa, tulad ng Pilipinas.
-Bert de Guzman