NAGSAMPA ng kaso sa International Criminal Court (ICC) sina dating Foreign Secretary Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Morales laban kina China President Xi Jinping at iba pang Chinese official dahil sa kanilang tampalasan at malupit na aksyon sa South China Sea na nasa loob ng hurisdiksyon ng Pilipinas. Anila, ang may kapangyarihang mang-usig sa mga krimeng ay ang ICC.
Isinampa nila ang kaso bilang kinatawan ng mga Pilipino at maraming mangingisdang Pilipino na nilapastangan at sinaktan ng China sa paggawa ng isla at pagsakop sa mga isla sa West Philippine Sea na nasa loob ng 370-kilometer exclusive economic zone ng Pilipinas. “Sa pagpapairal ng mapamaraang plano para sakupin ang South China Sea, sina Pangulong Xi Jingping at iba pang opisyal ng China ay nakagawa ng krimen sa loob ng hurisdiksyon ng ICC, kinapapalooban ng pagwasak sa kapaligairan ng mga bansa, na hindi lang nakaaapekto sa iba’t ibang grupo ng mga mangingisda kundi maging ang kasalukuyan at darating pang henerasyon ng mamamayan ng mga bansa. Ito ang grabeng sisira sa seguridad ng pagkain at enerhiya ng mga bansa sa South China Sea, kabilang na rito ang Pilipinas,” wika nina Del Rosario at Morales.
“Karapatan nilang magsampa ng kaso, pero sinasabi ko na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at sa China, lalo na sa China,” wika ni Pangulong Duterte sa mga mamamahayag bilang reaksyon niya sa ginawa nina Del Rosario at Morales. Pero, aniya, hindi maaapektuhan ang realsyon ng Pilipinas at China. Hindi mahalaga kung maaapektuhan ang diplomatic relations ng dalawang bansa.
May kapangyarihan man ang ICC sa China o wala, sa akin, hindi ito isyu ito sa sambayanang Pilipino. Kasi, magtagumpay man o hindi sina Del Rosario at Morales sa kanilang ginawa, ngayon pa lang ay nagtagumpay na sila at ang kanilang kinakatawang mamamayang Pilipino at maraming mangingisda laban sa unti-unting pananakaop ng China. Kahit ordinaryong tao, ay sumasalungat sa ginagawa ng higanteng bansa. “Ang hakbang na papanagutin ang dominanteng lider sa ilalim ng rule of law ay nagpapakita na kahit ordinaryong Pilipino ay kayang ipagtanggol ang soberanya natin,” sabi ni Florin Hilbay, isa sa mga kandidato ng oposisyong Otso Diretso para sendaor. Si Hilbay din na dating Solicitor General na namuno sa legal team na nagpanalo sa kaso ng bansa laban sa pag-angkin ng China sa South China Sea sa Permanent Court of Arbitration sa Hagne.
Pero sa kabila ng tagumpay na ito ng Pilipinas, ayaw naman itong panindigan at igiit ni Pangulong Duterte upang kahit paano ay masawata ang walang tigil na pagsakop ng China sa teritoryong napagwagian ng bansa. Kaya tama si Magdalo Rep. Gary Alejano, isa ring kandidato ng Otso Diretso sa pagkasenador, wika niya: “Ito (ang ginawa nina del Rosario at Morales) ay sampal sa gobyerno ng Pilipinas na tumangging papanagutin at parusahan ang hindi na mabibilang na pagkakasala ng China laban sa mga mangingisdang Pilipino at pagsira sa ating marine environment.”
Dahil nga sa pagtangging ito ng ating gobyerno, malaya nang nagawa ng China ang kanyang kagustuhan ayon sa kanyang layunin na makontrol ang bahaging ito ng Southeast Asia partikular ang karagatan para sa malayang kalakalan ng mga bansa. Hindi naman naiiba ang ginawa nina del Rosario at Morales dahil ganito rin naman ang ginawa ng taumbayan nang hindi na nila magamit ang kanilang gobyerno para sa kanilang kapakanan noong panahon ng diktadura.
-Ric Valmonte