NAUNGUSAN ng De La Salle ang Ateneo, 2-1, para makopo ang solong liderato sa pagtatapos ng first round elimination sa UAAP Season 81 men’s football tournament nitong Huwebes sa FEU-Diliman pitch.

Umiskor ng dalawang goal si Alfonso Montelibano, habang naiatala ni goalkeeper Gab Villacin ang krusyal na save para maibigay sa Green Archers ang panalo para sa kabuuang 15 puntos.

Nauna rito, pinangunahan ni Allen Lozano ang Adamson University sa 2-1 panalo laban sa defending champion University of the Philippines.

Nakabuntot sa De La Salle ang Far Eastern University na may 12 puntos.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Umiskor si Montelibano mula sa pasa ni Shanden Vergara sa ika-13 minuto, bago nasundan ng header mula sa pasa ni Jed Diamante.

Nakaisa ang Blue Eagles mula kay Rupert Baña sa ika-26 minuto ng laro. Napantayan ni Baña si National University’s Ivan Ouano para sa pinakamaraming goal sa first round elimination na may tig-lima.

Ngunit, napigilan ni Villacin ang pagtatangka ni Joaquin Roque na maitabla ang ;aro sa ika-89 minuto.

Magkasosyo sa No.3 ang Ateneo at University of Santo Tomas na may tig-10 puntos.

Sa women’s play sa Circulo Verde pitch, naitala ni rookie Shai Del Campo ang apat na goals, habang nakaisa si Maye Mendaño para sa 5-1 panalo ng De La Salle kontra FEU.

Naitala ni Pamela Denise Diaz ang tanging goal sa ika-26 minuto para sa 1-0 panalo ng Ateneo kontra University of the Philippines.