AYON kay Presidential Spokes person Salvador Panelo, nagbanta si Moro National Liberation Front Chair Nur Misuari ng digmaan kapag hindi natuloy ang pederalismo sa nalalabing tatlong taon ng termino ng administrasyong Duterte. “Kapag nabigo ang pederalismo, pareho tayong mamatay,” sagot ng Pangulo. “Ang ibig sabihin ng Pangulo, siya at si Misuari ay maglalaban,” wika ni Panelo. “Hindi ako naniniwala na ginawa talaga ni Misuari ang pagbabanta. Pakana lamang ito ni Duterte. Katulad ng lagi niyang ginagawa, magsisinungaling siya para maisulong lamang ninanais niya,” wika ni Sen. Antonio Trillanes.
Ginawa man o hindi ni Misuari ang pagbabanta, ang maliwanag ay desidido ang Pangulo na maganap ang pederalismo sa kanyang panahon. “Marahil, kahit paano, makakagawa kami ng balangkas sa loob ng istruktura ng pederalismo, pero dapat magdaan ito sa proseso, at nasisiguro ko na alam ito ni Misuari na bawat bagay ay dapat naaayon sa Saligang Batas at Batas,” sabi ng Pangulo sa mga mamamahayag.
Eh, ang pagbabago ng Saligang Batas ay inumpisahan nang gawin ng Kongreso lalo na ng Mababang Kapulungan nito. Kasi, sa mga kongresista, ang tungkuling ito ay gagampanan ng Kongreso. Kaya nang abutan ng darating na halalan, may resolusyon na ang Kamara na magbabago o mag-aamyenda sa Konstitusyon. Samantala, naubos naman ang oras ng Senado sa pagsasagawa ng public hearing upang malaman nito kung alin ang karapatdapat na paraan sa layuning ito. Constituent Assembly (Con-Ass) o Constitutional Convention (Con-Con).
Kaya, gumagawa ng lahat ng paraan ang Pangulo upang maisaksak niya sa Senado ang kanyang mga kandidato. Masidhi ang layunin niyang magwagi ang mga ito na mababakas sa kanyang paraan ang panggigipit at pananakot. Kung kailan malapit na ang halalan at saka niya inilabas ang narco-list. Isiniwalat niya ang pangalan ng ilang opisyal ng gobyerno, gobernador, mambabatas at ang karamihan ay mga alkalde. Mayroon pang mga susunod na ibubunyag ang Pangulo. Banggitin man ng Pangulo ang mga pangalan sa susunod na pagbubunyag niya sa narco-list, hindi ito mahalaga. Ang mahalaga ay may “Sword of Democles” na itunutok na niya sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na iyong mga kandidato. Kaya ang reklamo ng mga kandidato ng oposisyon ay hindi nila mahingan ng tulong ang mga lokal na opisyal, pinangalanan na o hindi ng Pangulo na nasa narco-list, dahil sa takot. Maging ang mga pulitikong hindi kandidato ay maaari ring matakot na baka malagay sila sa narco-list. Kasi, tulad ng mga nauna nang nasa narco-list, sila ay pinatay dahil umano nanlaban. Nilimitahan ng narco-list ang kapasidad ng mga nasa oposisyon na makakampanya at makakuha ng boto. Samantalang ang mga kandidato ng administrasyon na nasa Hugpong ng Pagbabago o PDP-Laban ay malayang nakakampanya kasama ang mga opisyal ng gobyerno, kandidato man o hindi.
Nagigipit din ang oposisyon sa pagsasailalim sa Comelec control sa ilang lugar, partikular na ang Mindanao. Umiiral na nga ang martial law sa Mindanao, inilagay pa ito sa Comelec control. Lubusan nang malaya ang mga sundalo at pulis na gumawa ng paraan para mangibabaw ang mga kandidato ng administrasyon. Kaya, itunuring ng Pangulo na Senado ang una niyang inaasahan para sa kanyang pederalismo.
-Ric Valmonte