Isang magandang balita mula sa Japan ang lumabas ngayong linggo. Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, na nakatakdang lumagda sa isang kasunduan sa Martes ang mga opisyal ng DOLE at ang Minister of Justice, Foreign Affairs, Health, Labor and Welfare, at National Police, na nagkakaloob ng bagong istatus at proteksiyon para sa mga “Specified Skilled Workers” sa Japan.
Lalamanin ng kasunduan ang proseso ng recruitment, pagsusulong ng kapakanan at proteksiyon sa mga skilled foreign workers, pagbibigay sa mga ito ng residence status, at pagtatatag ng isang magkatuwang na komite para tugunan ang mga isyu na maaaring lumitaw at kumilos para sa patuloy na magpapaunlad ng sistema.
Kabilang sa mga tiyak na trabaho na sakop ng kasunduan ay para sa health care, construction, building maintenance, food services, industrial machinery, electronics, food manufacturing, agriculture, fisheries at aquaculture, parts and tooling, at aviation.
Ito ang mga tiyak na pangunahing larangan na pinagtatrabahuhan ngayon ng milyong mga Pilipino sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, kung saan sila kalimitang kinikilala, tinatanggap, at mas pinipili ng mga dayuhang employer. Kaya naman sinabi ng Japan na kapag binuksan na ang nasa 350,000 trabaho sa susunod na buwan, inaasahan nitong higit 33 porsiyento sa mga ito ang mapupunta sa mga Pilipino. Katumbas ito ng halos 100,000 trabaho para sa ating mga manggagawa.
Kalahati lamang ito ng magandang balita mula Japan. Ang kalahati nito ay ang naging anunsiyo rin ngayong linggo ng ilang mga kumpanya ng Hapon na nagdesisyong mamuhunan ng kabuuang $1.24 bilyon para sa bago at pagpapalawak na proyekto sa Pilipinas. Inaasahang lilikha ang mga bagong proyekto ng 16,000 trabaho sa manufacturing, agrikultura, retail, real estate, automotive at edukasyon.
Pinakamalaki sa mga ito ang $250 milyon sa poultry farm at produksiyon ng itlog, $76 milyong sa real estate at murang pabahay, $46 milyon sa manufacturing at automobile parts, at $19.2 milyon para sa proyekto upang i-convert ang pineapple waste sa biogas sa paglikha ng kuryente.
Lahat ng mga bagong negosyong nabanggit ay mangangailangan ng nasa 16,000 Pilipinong manggagawa. Hindi man ito kasingdami ng 100,000 na maaaring matanggap para magtrabaho sa Japan, ngunit ang kanilang pagsisikap ay para sa mga domestikong kumpanya na ang produksiyon ay magiging bahagi ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Magtatrabaho rin sila sa kanilang sariling bansa, kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay at pamilya, na hangad ng maraming Overseas Filipino Workers na nakikipagsapalaran ngayon sa ibang bansa dahil sa trabahong hindi nila matagpuan dito atin.
Sa kasalukuyan, Japan ang pinakamalaking merkado ng Pilipinas para sa pagluluwas. Sa inihayag nitong trabaho para sa maraming Pilipinong manggagawa at ang malaking pamumuhunan nito sa Pilipinas, magiging mas malakings katuwang natin ang Japan para sa pag-papaunlad ng Pilipinas.