“SUPER happy po, nandito ang family ko. Actually supportive po sila sa lahat ng ginagawa ko.”
Ito ang bungad ni Arjo Atayde nang salubungin siya ng media sa pagdating niya sa special screening ng Bagman nitong Martes sa Trinoma Cinema 6.
Ganu’n naman talaga ang pamilya Atayde kapag may special event sa buhay ng bawat miyembro ng pamilya, full force sila. Nakita rin naming dumating ang Papito at Mamita ni Arjo bukod sa mga tito, tita, pinsan at ang kanyang mga magulang na sina Art Atayde, Sylvia Sanchez, kasama ang mga kapatid niyang sina Ria, Gela at Xavi Atayde, at ang Powerhouse Arte family.
Nabanggit din ni Arjo pagdating niya sa screening na hindi darating ang girlfriend niyang si Maine Mendoza.
“May trabaho po siya, but she’s very supportive and happy,” saad ng binata.
May photo shoot si Maine, kasabay ng screening ng Bagman, kaya alam naming hindi siya talaga darating. Ang nasabing commitment ang dahilan kaya naunang bumalik ng Pilipinas ang dalaga, at naiwan ang Eat Bulaga family niya sa Israel.
Samantala, kung si Arjo ay ninenerbiyos nu’ng gabi, doble naman ang tensiyon na nararamdaman ni Sylvia, dahil nga ang daming artistang nanood sa screening, at halos lahat ng bigwigs ng Kapamilya network ay dumalo rin.
“Siyempre talagang kabado ako. Isipin mo ang daming nagpunta. May tiwala naman ako sa mga anak ko, sa pag-arte, pero siyempre iba-iba naman ang masasabi nila,” sabi ni Ibyang.
Laging sinasabi ni Ibyang, “Ipinagdarasal ko sa Diyos na noong pumasok na sa showbiz ang mga anak ko, sabi ko, ‘Diyos ko kahit konti lang, sana bigyan mo po sila ng talent sa pag-arte’. Eh, sobrang bait ng Diyos sa akin, hindi lang konti ang ibinigay, itinodo na niya.
“Aminado ako, mas magagaling ang mga anak ko sa akin at masaya ako ro’n kaysa naman sabihing kaya sila magaling kasi nagmana sa akin, hindi! Mas magaling sila sa akin.”
Ang dami namang nag-abang ng Bagman sa iWant nitong Miyerkules, sa ganap na 9:00 pm, at inulit naming panoorin ang six episodes na maraming kulang sa napanood namin sa Trinoma.
Gustung-gusto namin ang eksena nina Arjo at Janus del Prado bilang tigasing radio broadcaster na walang sinasanto. Ang ganda ng batuhan nila ng linya na idinaan sa mahinahong usapan. Actually, tama si Angel Locsin, ang huhusay ng lahat ng artista sa Bagman.
Ang daming artista palang kasama sa flashback, kaya pala sinasabing ito ang pinakamalaking project ng Dreamscape Digital at Rein Entertainment sa ngayon, at sikat at mahuhusay nga ang cast.
Sa mga hindi pa nakapanood, nasa iWant lang ang Bagman, at ang susunod na three episodes ay sa March 27 ipalalabas, habang sa April 3 ang huling tatlong episodes, mula sa direksyon ni Shugo Praico.
Going back to Arjo, finally sinagot na niya ang tanong namin kung anong pakiramdam niya na nominado siya bilang Best Supporting Actor sa nalalapit na 67th FAMAS awards night.
“Masaya po ako, tita. Overwhelming lahat ng nangyayari sa akin. And for being nominated bonus na po ‘yan. Never worked to gain awards always just doing my thing and having fun,” sabi ni Arjo.
-REGGEE BONOAN