Umapela si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko na saglit na pagpahingahin ang kalikasan sa pakikiisa sa Earth Day 2019 sa March 30.
Naniniwala si Tagle na sa pamamagitan ng sabayang pagpapatay ng appliances na de-kuryente sa loob ng isang oras ay tatagal ang buhay ng kalikasan, na para rin naman sa kapakanan ng mamamayan.
Ayon kay Tagle, ang Earth Hour ay idaraos simula 8:30 ng gabi hanggang 9:30 ng gabi sa Marso 30, Sabado.
Sa loob ng naturang isang oras, hinihikayat ang publiko na patayin muna ang kanilang mga ilaw at appliances.
“Mga Kapanalig, ito po si Cardinal Chito Tagle ng Archdiocese of Manila, inaanyayahan ko po kayo na makilahok sa Earth Hour 2019. Ito po ay sa March 30 mula alas 8:30 ng gabi, one hour hanggang 9:30 ng gabi,” panawagan ng Cardinal sa panayam ng Radyo Veritas.
“Anong gagawin natin nun? Medyo patayin muna natin ang mga appliances at mga gamit na may kuryente para pagpahingahin muna natin ang kalikasan. Ang atin pong kalikasan na makapagpapahinga ay magtatagal ang buhay para naman ang ating buhay ay sumagana.
“Sige po simple lang ito, Earth Hour March 30, 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.”
Ganito rin ang apela ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, sinabing dapat na isabuhay ng mga mananampalataya ang adbokasiya at pag-uugaling nais ituro sa mga tao ng Earth Hour.
“Sa little practice na ito ng Earth Hour ay mag-iiba ng attitude sa atin sa mga maliliit na bagay na puwede nating ma-practice sa ating tahanan, office, school, kung saan ay puwede nating mabawasan ang konsumo ng kuryente,” ani Presto.
Inisyatibo ng international organization na World Wide Fund for Nature, ang Earth Hour ay taunang isinasagawa sa mundo, simula noong 2007.
-Mary Ann Santiago