Sa isang reperendo noong Hunyo 24, 2016, bumoto ang United Kingdom (UK) ng Great Britain at Northern Ireland na umalis sa European Union, sa botong 51.89 porsiyento upang umalis laban sa 48.11 boto para manatili.
Gayunman, dalawang bansa na bumubuo sa unyon ang bumoto kontra sa pag-alis sa EU—ang Scotland na may botong 62% para manatili vs 38% para umalis; at ang Northern Ireland, 55% para manatili vs 44.2% para umalis. Nangangahulugan ito na ang England (53.38% para umalis, 46.62% para manatili) at ang Wales (52.53% para manatili, 47.47% para umalis) ay pabor sa pag-alis ng Britain sa European Union (Brexit).
Sa nakalipas na dalawang taon at siyam na buwan mula nang ilabas ang reperendo, nakikipagnegosasyon ang UK sa European Union para sa maayos na pagtiwalag kasama ang ekonomikal at komersyal na ugnayan, pagkilos ng mga tao, problema sa imigrasyon, at iba pa, kasama ang pakikipagpulong ni Prime Minister Teresa May sa mga lider ng EU upang pagtibayin ang isang kasunduan na magpapagaan sa separasyon na nakatakda sa Marso 29.
Nagpahayag siya ng pangamba hinggil sa hinaharap ng UK na kinakailangang bumoto para sa mga miyembro ng European Parliament sa eleksiyong nakatakda sa Mayo, kung wala pa ring magiging kasunduan. “There could be no more potent symbol of Parliament’s collective political failure,” aniya.
Ilang panig ang nagmungkahi na ang patuloy na hindi pagkakasundo sa pamahalaan ng Britanya ay maaaring senyales ng pagdadalawang-isip ng mga Briton hinggil sa pag-alis sa EU, lalo na kung ikokonsidera ang dikit na boto sa reperendo noong Hunyo 24, 2016. Ngunit ibinasura ng mga opisyal ng Britanya ang suhestiyon para sa panibagong reperendo. Ang naging desisyon ng mamamayan sa unang reperendo ay dapat na maisakatuparan, tulad ng pag-upo ng isang pangulo matapos maihalal, kahit pa maaaring mabilis na nagbago ang isip ng mga tao. Dahil dito, ibinasura ng parliyamento ng UK ang panawagan para sa ikalawang reperendo.
Ang United Kingdom ay matagal nang malapit na kaibigan at kaalyado ng Pilipinas, at ang patuloy nitong pagdurusa ay binibigyan natin ng malalim na simpatya. Bukod sa paghihirap nitong maayos ang ugnayan sa EU, maaaring maharap sa problema ang UK sa Scotland at Northern Ireland, kung saan maraming tao ang nais manatili sa European Union.
Maraming suliranin ang kinakaharap ngayon ng iba’t ibang bansa sa kasalukuyan—ang ilang buwan nang nagpapatuloy na karahasan sa mga lansangan ng France, ang pangangalap ng hakbang para patalsikin ang pangulo ng Estados Unidos, ang bukas na pagsubok sa pangulo ng Venezuela, ang palitan ng banta ng nuclear missile sa pagitan ng India at Pakistan, ang pagkabigo ng North Korea na makuha ang kasunduan sa Amerika.
Ang ating mga problema dito sa Pilipinas—ang kakulangan sa tubig, ang hindi maipatupad na pambansang budget, ang polusyon sa Manila Bay, ang nagpapatuloy na pagpasok ng ilegal na droga—ay maaaring hindi kasing kritikal kung ikukumpara. Ngunit lahat tayo ay namumuhay sa iisang mundo, kaya naman dapat tayong umasa para sa kapayapaan at katatagan, kasunduan, at pagsulong sa lahat ng sulok ng mundo, kabilang ang ating malapit na kaibigan at kaalyado, ang United Kingdom.