Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Center)
4:30 n.h. -- TNT vs Columbian Dyip
7:00 n.g. -- Blackwater vs Magnolia
TARGET ng Talk ‘N Text na bigyan ng hangin ang nauupos na kampanya sa playoff incentives sa pakikipagtuos sa Columbian Dyip sa opening match ng double-header ngayon sa 2019 PBA Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Nasa ikatlong posisyon sa kasalukuyan, hawak ang barahang 6-3, kaya pang tumabla ng Katropa sa No.2 spot na may kaakibat na twice-to-beat bonus sa quarterfinals gaya ng nakopo na ng No.1 team Phoenix. Kakailanganin ng Katropa na maipapanalo ang huling dalawang laro sa elimination round kabilang na ang tapatan nila ngayong 4:30 ng hapon ng Dyip.
Kasalukuyang okupado ng Rain or Shine Elasto Painters ang No.2 spot taglay ang kartadang 8-3.
Sakaling masilat ng Dyip na umaasa namang makakahabol sa huling upuan ng quarters, ang kasalukuyang pumapang-apat lamang na Barangay Ginebra (5-3) ang may nalalabing pag-asa na silatin sa Rain or Shine sa ikalawang puwesto kung mawawalis nito ang nalalabing tatlong laro sa preliminaries.
Hawak ang barahang 4-6, nagsosolo sa ikapitong posisyon, kailangang maipanalo ng Dyip ang laban ngayon kontra Katropa at umasang hindi lalagpas ng limang panalo ang mga sinusundang Magnolia, NLEX at Alaska na pawang may 4-5 marka.
Samantala, sa tampok na laro, sisikapin naman ng Magnolia na makalapit sa inaasam na playoff berth sa pagsagupa sa wala na sa kontensiyon na Blackwater ganap na 7:00 ng gabi.
Kababalik pa lamang ng Hotshots sa winning track matapos ang naitalang 103-90 panalo kontra Northport nitong Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Hawak ang barahang 2-8 at wala ng pag-asang tumuntong ng quarterfinals, naghahanap na lamang ang Elite ng makakaramay sa maagang paghahanda para sa second conference.
-Marivic Awitan