ISA ang Mindanao sa mga idineklara na hotspot ng Commission on Elections. Kinilala ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at militar ang election hotspot sa pamamagitan ng pagsasailalim sa kategorya ng mga lugar. Kinategoryang kulay pula ang Mindanao at ilang lugar dahil may malubhang banta ang mga ito mula sa mga armadong grupo, kaya idineklara ng mga ahensiya ng gobyerno na ang kondisyon sa mga ito ay maaaring pagbatayan ng pagdideklara ng Comelec control.

Itinuring na ang mga insidenteng naganap noong nakaraang dalawang taon na pinagsususpetsahang may kaugnayan sa halalan at banta ng mga armadong grupo tulad ng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf ay sapat na basehan ng deklarasyon. Sa ilalim ng deklarasyon, ayon sa Comelec, pwede nitong tawagin ang mga pulis at sundalo para dagdagan ang kanyang peacekeeping personnel sa nasasakupang lugar kung kinakailangan.

Bukod sa Mindanao, isinailalim ng Comelec sa kanyang control ang probinsiya ng Abra, nayon ng Jones sa Isabela at Lope de Vega ng Northern Samar. Pero ang nakikita ko ay isinama lamang ang Abra, Jones ng Isabela at Lope de Vega ng Northern Samar para hindi gaanong mahalata ang sadyang pakay ng administrasyon. Ang nakikita ko ay pagnanais nitong makontrol ang buong Mindanao upang matiyak ang pagkapanalo ng kanyang mga kandidato. Nasubok na ng administrasyon na hindi niya makukuhang solido ang Mindanao. Naganap ito nang magkaroon ng halalan para ratipikahan ang Bangsomoro Basic Law (BBL). Mayroong mga lugar sa Mindanao na ginamitan ng matinding pananakot upang mapwersa ang mga ito na pailalim sa pinalawak na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Marahil nabibingi ang administrasyon sa katahimikan ng lugar. Wala itong katiyakan na may magandang ibubunga ito sa kanyang layunin.

Ito ay dahil nasa ilalim na ng martial law ang Mindanao. Tatlong beses nang humiling si Pangulong Duterte na palawigin ang batas militar sa buong Mindanao mula nang ideklara niya ito noong Mayo 2017. Kaya hanggang sa huling araw ng 2019 pa tatagal ang martial law na kinatigan ng Kongreso at Korte Suprema. Kung nasa ilalim na ng martial law ang Mindanao, bakit kailangan pa itong ilagay sa Comelec control? Inaalis lamang marahil ang legal complication na nasabat ng administrasyon noong ratipikasyon ng BBL. Hindi puwedeng manghimasok ang mga sundalo at militar sa panahon ng halalan dahil ang may kontrol ng lugar ay ang Comelec, at ang lahat ng sangay ng gobyerno ay nasa ilalim nito sa pagtupad ng kanyang tungkuling mapanatili ang katahimikan at kapayapaan para sa malinis at maayos na halalan. Upang maalis ang anumang sagabal, legal man o hindi, kinakailangan ang Comelec control sa Mindanao upang masiguro ng administrasyon ang nais niyang maganap para sa kanyang mga kandidato.

oOo

Inilabas ni Pangulong Digong kamakailan ang mga pangalan ng mga pulitikong umano ay sangkot sa droga. Dahil dito, nagreklamo ang mga kandidato ng oposisyon dahil walang mga lokal na opisyal na sumasama sa kanilang pangangampanya sa takot na ang pangalan naman nila ang ihayag ng Pangulo. Pero hindi mahalaga kung matalo man ang oposisyon sa panggigipit. Ang mahalaga, may oposisyong sasandigan ang sambayanan sa panahon na sila na ang malubhang ginigipit.

-Ric Valmonte