Tinangay ng isang bus driver sa hilagang Italy ang 51 batang mag-aaral, at ang mga kasamahan ng mga paslit, nitong Miyerkules (Huwebes sa Pilipinas), at 40 minutong hinostage ang mga ito hanggang sa silaban ang kanilang sinasakyan sa bayan ng Carabinieri.
Binasag ng mga pulis ang mga salaming bintana sa likod ng bus upang ma-rescue ang mga pasahero aty nagawang mailabas ang mga ito nang ligtas bago pa tuluyang natupok ang bus, ayon sa mga awtoridad.
Inaresto ang driver at ginamot sa mga natamong sunog sa katawan. Kinilala siya ng mga prosecutor bilang si Ousseynou Sy, 47-anyos na Italian citizen na may lahing Senegalese.
Sinabi ng suspek sa mga pulis na nais niyang ipaghiganti ang mga migranteng patungong Europe na nasawi sa Mediterranean Sea, pero wala umano siyang plano na manakit ng kahit sino.
Gayunman, iginiit ng prosecutors na maingat na pinlano ni Sy ang insidente, gaya ng pagbili nito ng canister ng gasolina at mga kableng panggapos nitong Martes.
Nagpadala rin siya ng video sa kanyang mga kaibigan sa Italy at Senegal tungkol sa kanyang plano, na may mensaheng “Africa, Rise up”.
Sa kasagsagan ng hostage-taking, nagbanta pa si Sy sa lahat ng sakay ng bus na “no one would survive today” makaraan niyang makontrol ito, ayon kay Luca De Marchis, hepe ng Carabinieri Police.
Iniimbestigahan na si Sy sa mga hinala ng kidnapping, intention to commit a massacre, arson at resisting law enforcement, at terorismo ang aggravating circumstance dahil nagdulot ng pagkabahala ang kanyang ginawa.
Sinabi naman ng mga prosecutors na walang ebidensiya na may kinalaman sa Islamic radicalization o terorismo ang nangyari, dahil malinaw na mag-isa lang si Sy na nagplano at nagsagawa ng krimen.
Associated Press