NANG unang ianunsiyo ng mga economic managers ng bansa ang plano para sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN), binigyang-diin nila ang probisyon na nagpapababa ng income tax rates para sa mga indibiduwal—mula sa 30 porsiyento patungong 21 porsiyento para sa halos lahat ng mga empleyado. Upang mabawi ang inaasahang pagkawala sa kita ng gobyerno, inihayag nila na makalilikom ang batas ng bagong pondo, isa sa pamamagitan ng P2 taripa para sa kada litro ng diesel at iba pang inaangkat na langis na dating hindi ipinatutupad.
Ang pinababang income tax rate ay tunay namang nagbigay ng reporma sa buwis at malugod itong tinanggap ng mga manggagawang may maliit na kita. Ngunit nagsimulang itulak pataas ng bagong P2 taripa sa mga inaangkat na diesel, ang mga presyo sa merkado sa buong bansa. Dahil nagdulot ito ng pagtaas sa presyo ng diesel, sumunod dito ang pagtaas sa presyo ng mga produkto sa merkado na dinadala sa pamilihan buhat sa mga sakahan ng mga truck na gumagamit ng diesel. Isinisi ng pamahalaan sa ibang mga salik ang pagsirit ng mga presyo, tulad ng mataas na pandaigdigang presyo ng langis at manipulasyon sa presyo ng mga lokal na mangangalakal, ngunit hindi naman maipagkakaila na ang bagong taripa sa diesel ang pangunahing salik dito.
At nariyan din TRAIN 2—na pinalitan ng pangalan at tinawag na TRABAHO bill para sa Tax Reform for Attracting Better and Higher-Quality Opportunities—na nagbibigay ng mas mababang corporate tax rate. Ngunit nakapaloob din dito ang maraming probisyon na nagtatanggal sa mga insentibo na ginamit ng pamahalaan upang makaakit ng maraming dayuhang negosyante na magtatag ng kanilang negosyo sa mga export zone ng Pilipinas.
Hindi kailanman napagtibay bilang batas ang TRAIN 2 dahil sa epekto ng TRAIN 1. Ngunit patuloy itong nagbibigay pangamba sa mga dayuhang mamumuhunan na narito na sa Pilipinas. Marami ang nagdesisyon na ipagpaliban ang kanilang planong ekspansyon.
Nitong nakaraang linggo, sampung kumpanya ng aerospace ang nag-anunsiyo na hindi na nila itutuloy ang planong mamuhunan sa Pilipinas. Sinabi ni Aerospace Industry Association of the Philippines President Dennis Chan na sampung dayuhang kumpanya ang una nang nagpaabot ng kanilang intensyon na lumipat mula China at magtayo ng manufacturing at assembly operation sa Pilipinas. Ngunit ngayon sa Vietnam na nila binabalak magpunta.
Isang taon na ang nakalilipas mula ng masuspinde ang TRAIN 2 dahil sa masamang epektong idinulot ng TRAIN 1. Panahon na siguro para muli itong pag-aralan at marahil ay panatilihin na lamang ang mas mababang corporate tax ngunit isantabi ang planong pagtanggal sa maraming insentibo para sa mga dayuhang mamumuhunan dahil malinaw na kinakailangan pa rin ito.