BATAY sa inilabas na opisyal iskedyul ng FIBA (International Basketball Federation), unang makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Italy bilang panimulang laban sa 2019 FIBA World Cup sa Agosto 31.

Gaganapin ang mga laro ng kinabibilang grupo ng Team Philippines na Group D sa Foshan International Sports and Cultural Center sa Foshan, China.

Sunod na makakasagupa ng world ranked 31st Gilas ang world No. 4 Serbia, na tumapos na runner-up sa nagkampeong USA sa nakaraang edisyon ng World Cup sa Setyembre 2.

Ayon kay national team coach Yeng Guiao wala na silang maidadahilan upang hindi paghandaan ng husto ang Italian squad na inaasahang pangungunahan nina NBA veterans Danilo Gallinari at Marco Belinelli.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“By the time we play our first game when we get there we should be ready to play 100 percent. There’s no such thing as getting warmed up first,” ani Guiao.

Kontra naman sa mas matinding katunggaling mga Serbians, umaasa si Guiao na makakayanan nilang dagdagan pa ang kanilang effort sa pagharap sa koponang inaasahang pamumunuan ng isa sa mga pinakamahusay na big man ngayon sa NBA na si Nikola Jokic.

Huling makakalaban ng Gilas sa first round ang Angola na bagamat mas mababa ang ranggo sa kanila ng walong bilang ay hindi rin puwedeng basta ipagwalang bahala, ayon pa kay Guiao.

Makakaharap ng Nationals ang mga Angolans sa Setyembre 4.

-Marivic Awitan