SA nagdaang linggo, ipinagdiwang ng Hukbong Katihan ng Pilipinas o Philippine Army (PA) ang araw ng pagkakatatag nito. Centenarian o mahigit isang-daang taon nang nakatayo, ang institusyon ay marapat na kilalanin sa kanilang kabayanihan at pagsisilbi sa ating bayan. Bilang pinakamalaki at pinakamatandang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang PA ay itinatag sa Tejeros Convention sa Malabon Cavite noong Marso 22, 1898, sa ilalim ng pamamahala ng unang Kapitan Heneral na si Heneral Artemio Ricarte.
Magugunitang ito ang kapanahunan na ang bituin ni Andres Bonifacio bilang Supremo ng Magdalo Katipunan, ay napatirapa sa paanan ni Emilio Aguinaldo sa tinaguriang “patibong” ng Magdiwang, ayon sa ilang historyador.
Ang Katipunan at paksyon ni Supremo Bonifacio, na siyang nagtatag sa unang himagsikan laban sa mga kolonyal na Kastila noong 1896, ay naungasan ng panibagong rebolusyon sa pangunguna ng anak ng Kawit. Mula sa lihim na armadong pag-aalsa ng Katipunan, nagpalit anyo ito bilang Philippine Revolutionary Government sa patnugot ng bagong pangulo, si Heneral Emilio Aguinaldo. Ang dating “hukbo” ng Katipunan ay naging Ejercito en la Republica de las Islas Filipinas.
Marapat ding gunitain ang dugo ng mga mandirigmang nananalaytay sa ugat ng lahing kayumanggi simula pa noong 1521 sa Mactan Cebu hanggang 1907. Ilang pag-aalsa na pinangunahan ng magigiting na Pilipino ang maaaring itala sa yaman ng ating katapangan mula Ilokos hanggang Sabah, na bahagi ng Pilipinas. Mga tulad ni Lapu-Lapu, Gabriela Silang (binitay ng mga Kastila), Dagohoy ng Bohol na hindi kailan man nagapi ng Kanluraning mananakop, Sultan Kiram at iba pa.
Napakayaman ng kasaysayang maituturing sa unang sibol na “Philippine Army”, kung papayagan. Ito ay kaagapay din sa hudyat ng pagkamulat ng mga sinaunang Pilipino na nakipaglaban para sa pamilya, tahanan, at malayang pamamaraan ng pamumuhay. Huwag nating kalimutan ang kabayanihan ng mga guerilla noong dekada ‘40 na nakipagpatintero sa samurai ng mga Hapon. Kung tutuusin, mula 1521 hanggang 1897 noong pormal na itinayo ang katihan at magpahanggang ngayon, mas malalim pa ang kabayanihang pinag-uugatan ng kasalukuyang PA. Mabuhay!
-Erik Espina