MULINGnakapukaw ng atensiyon sa bansa ang pangangailangan para sa mas maraming dam, catchment basin, at iba pang paraan upang makapag-imbak ng tubig na magagamit sa pangangailangan ng mabilis na lumalagong mga lungsod, nang marakaranas ng problema sa kakulangan sa tubig ang silangang bahagi ng Metro Manila nitong nakaraang linggo, na humantong sa pagdaraos ng mga pagdinig sa Kamara de Representantes hinggil sa problema.
Kabilang sa mga mungkahing proyekto ang Kaliwa Dam sa paanan ng bulubundukin ng Sierra Madre, ngunit tinututulan ito ng iba’t ibang sektor dahil sa maraming dahilan. Palulubugin nito ang minanang lupain ng mga Dumagat Remontados na ilang siglo nang naninirahan sa Sierra Madre. Ang mungkahing dam ay itatayo sa ibabaw ng Infanta Fault; at kung masira ang dam dulot ng isang lindol, malaking baha ang aagos pababa sa ilog ng Kaliwa kung saan naninirahan sa paligid nito ang nasa 100,000 residente.
Nakahanap ng kakampi ang mga tribo at mga residente sa paligid ng ilog sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na sinabing mismong ang World Commission on Dams ang nagpaalala na bagamat mahalagang ambag ang mga dam sa pag-unlad, “in too many cases, an unacceptable and often unnecessary price has been made to secure those benefits, especially in social and environmental terms, by people displaced, by communities downstream, by taxpayers, and by the natural environment.”
Nang ipatayo ang Pantabangan Dam ni Pangulong Ferdinand Marcos, isang buong bayan ang nalubog sa baha matapos ilipat ng lugar ang mga residente nito. Hanggang sa kasalukuyan, sinasabing kapag bumababa ang tubig sa dam; lumilitaw sa tubig ang tore ng simbahan sa bayan na nalubog, isang masakit sa paningin para sa mga dating nagsisimba doon.
Sa gitna ng mga oposisyon sa Kaliwa Dam, isang alternatibong proyekto ang inihain noong 2009 ng isang Japanese company na nagbibigay ng mungkahi para sa isang Kaliwa Intake Weir. Ang weir ay isang mababang harang patawid sa ilog, na nagpapabago sa agos ng tubig at nagpapataas sa lebel nito, ngunit hindi katulad ng nagagawa ng malalaking dam.
Ipinresenta ng Global Utilities Development Co. (GUDC) ng Osaka, Japan ang plano sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 2009, nang lumagda ang dalawa sa isang memorandum of understanding. Muling isinumite ng GUDC ang mungkahi noong 2017. May taas lamang na pitong metro ang weir, na may 16 kilometrong haba na tunnel at isang water treatment plant.
Sa gitna ng lumalagong oposisyon sa pagtatayo ng mga dam sa pangkalahatan dahil na rin palulubugin nito ang mga komunidad at nagbabanta ng panganib sa mga taong naninirahan sa baba nito kung sakaling masira ang dam dulot ng lindol o ng iba pang sakuna, ang ideya ng weir sa halip na dam ay nararapat na bigyan ng mas malalim na pag-aaral at konsiderasyon ng pamahalaan.
Ang pagtatayo ng Kaliwa Dam ay 30 taon nang naaantala. Nananatili itong walang Environment Compliance Certificate na itinatakda ng RA7586. Hindi rin ibinibigay ng mga katutubo ang kanilang Free Prior and Informed Consent na isang kahingian ng RA8371.
Kailangan ng Metro Manila ng bagong mapagkukunan ng tubig upang mapunan ang pangangailangan nito sa tumataas na demand na ngayo’y natutugunan, hindi man sapat ng Angat Dam. Hindi makausad ang proyekto ng Kaliwa Dam sa nakalipas na mga taon dahil sa matinding pagtutol ng mga komunidad sa bulubundukin na mawawalan ng minanang mga lupain ng kanilang tribo at mula sa mga komunidad pababa ng ilog na nangangamba sa malaking sakuna na maaari nitong idulot kung sakaling masira ang dam. Ang weir, na higit na maliiit at mas mababang harang sa ilog, na iminungkahi ng isang Japanese company ay maaaring sagot sa mga suliraning ito.