GUMAWA ng hakbang ang mga opsiyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)- San Fernando, Pampanga para pagaanin ang buhay ng mga taong nasa mahirap na sektor, sa pamamagitan ng pagkita ng sariling pera sa Sustainable Livelihood Program (SLP).

Inihayag ni DSWD Regional Director Gemma Gabuya nitong Lunes na sa ilalim ng SLP, maaaring magsanay ang mga piling benepisyaryo sa iba’t ibang skills training courses, para sa kanilang future employment o kaya naman ay para sa kanilang maliit na negosyo.

Ani Gabuya, ang mga pinakabagong graduate na binubuo ng 356 na Tarlaqueños ay nagsanay sa training courses ng pananahi, welding, beauty care, hairdressing, at pagluluto.

“This is in partnership with Advanced Institute Technology, Tarlac School of Arts and Trade and Floriana Bao Sadian Technological Vocational School Foundation, Inc.,” aniya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinabi naman ni Melanie M. Barnachea, acting division chief ng DSWD’s Promotive Services Division, na tumanggap ang naturang graduate/ beneficiary ng National Certificate II from the Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) nang makumpleto ang kurso.

Dagdag pa niya, nakatanggap din ang mga ito ng P20,000 bawat isa kabilang ang training fee, allowance at alokasyon para sa starter tool kit.

Pinuri naman ni Barnachea ang mga benepisyaryo para sa kanilang determinasyon na tapusin ang training program.

“Hindi madaling pagsabayin ang responsibilidad sa pag-aaral at gampanan ang kanilang role sa pamilya,” aniya.

Hinikayat din niya ang mga ito na gamitin at pagyamin ang mga natutunan sa skill training upang makapagtayo sila ng maliit na negosyo at gamitin ang starter kits na ibinigay nila sa mga ito.

Simula ngayong taon, aabot na sa 833 residente sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Zambales, at Nueva ang nagsanay sa ilalim ng SLP.

Ang SLP ay isang community-based capacity-building program ng gobyerno na naglalayong paghusayin ang socio-economic capacity ng mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng pangunahing social services.

Prioridad sa programa ang mga participant na “underprivileged” na tinukoy at pinili ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR).

PNA